^

PSN Opinyon

Sinaksak ang bakla

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

KAHIT ang testimonya ng nag-iisang testigo tulad ng biktima na positibong kumilala sa akusado ay sapat na para mapatunayan na walang dudang siya ang gumawa ng krimen. Hindi mananaig ang alibi at pagtanggi ng akusado laban sa positibong pagkilala sa kanya ng biktima lalo at katatapos pa lang ng pangyayari na tinatawag sa batas na “res gestae”. Ipaliliwanag ng ating kaso ngayon ang batas na tungkol dito.

Ang kasong ito ay tungkol kay Ernie, isang beautician. Isang pagkakataon na nakaupo siya sa isang bangko sa labas ng simbahan biglang lumapit si Marco at humingi ng sigarilyo sa kanya. Nang wala siyang maibigay na yosi, naglabas ng balisong si Marco at sinaksak si Ernie at pagkatapos ay tumakbo palayo.

Kahit masakit at sobrang pagdurugo ng katawan, nagawa pa rin ni Ernie na maglakad at nakatawag ng saklolo. Dalawang kaibigang bakla, na sina Duday at Tonya, ang tumulong sa kanya at dinala siya sa pinakamalapit na ospital. Naipasok siya sa ospital bandang 12:40 ng hatinggabi at ginamot ng dalawang doktor. Napag-alaman na nagkaroon siya ng saksak na may 2.5 cms ang haba na tumusok sa kanyang atay na muntik nang magresulta ng kanyang kamatayan kung hindi agad nagamot. Ino­perahan siya bandang alas singko ng madaling araw hanggang alas siyete medya ng umaga. Kinausap siya ni SPO1 Luis pagkatapos ng operasyon at nagbigay siya ng salaysay.  Ang isang pulis na kasama ay inilapit pa ang tainga kay Ernie para lang marinig ang sinasabi nito dahil hinahabol ang hininga. Sa harap ng doktor at mga pulis ay sinabi ni Ernie na si Marco ang sumaksak sa kanya kaya kinasuhan ito ng frustrated murder.

Sa paglilitis ay itinuro ni Ernie si Marco na sumaksak sa kanya.  Nakilala raw niya ang lalaki dahil nakikita niya ito tuwing fiesta na tumutugtog. Ang amo raw ni Ernie ang nagsabi sa kanya ng pangalan ng lalaki at isang buwan daw bago ang insidente ay aksidenteng nagtalik pa sila ni Marco. Hinihingian daw siya ng pera pero wala siyang maibigay.

Sinabi naman ni Marco na sa korte lang daw niya nakilala si Ernie. Noon daw nangyari ang pananaksak ay nasa loob siya ng simbahan at abala sa pag-aayos ng mga dekorasyong bulaklak sa altar na galing sa mga kapitbahay. Nagbanggit pa siya ng pangalan ng 41 katao na nakakita sa kanya sa loob ng simbahan at pinapanood siya sa kanyang ginagawa hanggang matapos siya noong hatinggabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na may 200 metro ang layo mula sa simbahan. Hindi rin daw siya nagsisigarilyo at hindi niya alam kung bakit siya ang itinuro ni Ernie. Ang testimonya ni Marco ay sinang-ayunan ng kanyang pinsan sa ina na si Marta.

Pero guilty pa rin ang naging hatol ng korte sa kasong frustrated homicide. Mas pinaniwalaan nito ang positibong pagtuturo sa kanya ng biktima kaysa sa pagtanggi at mga alibi niya. Kinatigan naman ng CA ang desisyon ng korte.

Umapela pa rin sa SC si Marco at kinatwiran na hindi parte ng tinatawag na “res gestae” ang naging salaysay (ante-mortem statement) ni Ernie dahil kinuha ito pagkatapos ng operasyon at noong sumunod na umaga na. Ibig sabihin ay hindi ito kasabay o pagkaraan ng nangyaring pagsaksak. Isa pa ay wala raw ibang testigo na pinatutunayan ang kanyang sinabi.

Binasura ng SC ang mga argumento ni Marco. Parte pa raw ng “res gestae” ang salaysay ni Ernie dahil nakuha ito pagkatapos niyang magkamalay at ilang oras matapos ang operasyon. Ibig sabihin ay “reflex product” o awtomatiko pa rin na maaalala ni Ernie ang nangyari sa kanya. Nakakahindik ang kanyang sinapit at wala siyang pagkakataon na mag-imbento ng istorya kaya maituturing na parte pa rin ito ng res gestae at matatanggap bilang ebidensiya.

Idagdag pa na hindi naman talagang imposible para kay Marco na mapunta sa pinangyarihan ng krimen sa labas ng simbahan gayong 200 metro lang ang layo ng kanyang bahay at malalakad lang sa loob ng limang minuto. Ipinagdiinan din ng SC na hindi lang ang salaysay ni Ernie pagkatapos ng operasyon ang pinagbasehan ng hatol. Itinuro niya si Marco matapos makaligtas sa pananaksak at habang nasa korte nang nililitis ang kaso. Puwedeng mahatulang may sala ang akusado base lang sa positibo at kapani-paniwalang pahayag ng nag-iisang testigong tulad ni Ernie basta’t napatunayan ng korte na totoo ang kanyang sinasabi. Mananaig ang testimonya ng biktima kumpara sa pagtanggi at mga alibi ng akusado lalo kung hindi malinaw at kapani-paniwala ang kanyang palusot. Siyempre ay puro negatibo at pabor lang sa kanya ang sasabihin ng akusado.

Talagang may sala si Marco sa krimen na frustrated homicide kaya dapat lang siyang makulong mula apat na taon, dalawang buwan at isang araw hanggang walong taon at isang araw (Zarate vs. Regional Trial Court, etc., G.R. 152263, July 3, 2009).         

vuukle comment

CRIME

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with