MRT-3: P17-B inuutang kamukha ng ZTE scam
HINDI maipaliwanag ng Department of Transportation. Bakit sila umuutang sa Japan ng P17 bilyon pang-rehabilitate sa MRT-3, miski nagturing na ang Japanese giant Sumitomo Corp. na gawin ‘yon sa halagang P7.5 bilyon. Ang laki ng pagkaiba: P9.5 bilyon.
Kinausap ni U-Sec. for Railways TJ Batan ang Japan International Cooperation Agency (JICA). Io-overhaul at imementena sa loob ng 31 buwan ang riles, 73 bagon, signaling, power supply, mga istasyon, kasama ang elevators, escalators, depot, repair yard, at kagamitan. Ipata-trabaho raw nila ito sa Sumitomo, na nagtayo ng MRT-3 nu’ng 1998-1999 at nagmentena nito nu’ng 2000-2012.
Pero dalawang beses nang nag-alok ang Sumitomo sa DOTr na i-rehab ang commuter railway sa halagang P7.5 bilyon lang. Ipinaabot ‘yon kay Sec. Arthur Tugade nu’ng 2016 at 2017 ng Metro Rail Transit Corp., ang pribadong owner-builder ng MRT-3. Pareho ang scope of work, bagamat mas mabilis na 26 buwan ang pangako ng Sumitomo.
Ang halos P10-bilyon dagdag ay katulad ng ZTE scam na in-expose nu’ng 2007. P17 bilyon din ang pautang ng China Exim Bank. Magtatayo ang Chinese telecom ZTE Corp. ng national broadband network sa halagang P7 bilyon. Pero, pinatotoo ng whistleblowers sa Senate investigation, may “tong-pats” o overprice na P10 bilyon. Nasangkot ang noo’y First Couple, Comelec chairman, opisyales ng transportasyon-komunikasyon, at naghaharing partido. Hindi maawat ng noo’y-NEDA secretary ang kanilang kasakiman. Umano’y nag-abot ang ZTE ng $10 milyon para lang mapapirmahan ang kontrata kay Pres. Gloria Arroyo nang hatinggabi sa Boao airport, Hainan. Sa tindi ng alingasngas binawi niya ang kontrata. Mga Pilipino sana ang magbabayad ng P10-bilyong kickback. Sumunod ang pagsakdal at paglilitis. Pati US Congress intelligence committee inusisa ang ZTE. Sangkot ito sa panunuhol sa 18 bansa para maka-kontrata.
- Latest