^

PSN Opinyon

First aid saradiation sickness

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

ANO ang radiation sickness?

Ito ay isang seryosong sakit na nagmumula sa exposure sa nuclear power plant, nuclear bomb at nuclear accidents. Hindi nakukuha ang radiation sickness sa mga pangkaraniwang X-ray at CT Scan test.

Nang magkaroon ng tsunami sa Japan, nasira ang kanilang nuclear plant at nagdulot ito ng maraming radiation sa paligid. Kung magkakaroon ng giyera, puwedeng gumamit ng nuclear bomb ang mga bansa. Ang halimbawa nito ay ang atomic bomb na ibinagsak sa Japan noong World War 2.

Sana ay huwag nang mangyari ang giyera. Ngunit para sa ating kaalaman, ang unang sintomas ng radiation sickness ay ang sakit ng ulo, lagnat, pagsusuka, pagtatae at dehydration.

Sinisira ng radiation ang ating laman at pati na rin ang bone marrow na gumagawa ng dugo. Puwedeng bumaba ang red blood cell at white blood cell sa ating katawan. Sa katagalan ay posible ring magdulot ito ng kanser.

Para makaiwas sa radiation, alamin natin ang tatlong paraan: oras, layo at proteksiyon. Kung matagal nang nangyari ang radiation exposure o aksidente, mas mababawasan na ang pinsala nito. Kapag mas malayo ka sa lugar ng pagsabog, mas ligtas ka rin. At kung may proteksyon ka sa paligid, tulad ng makapal at konkretong bahay o lead shield, mas hindi papasok sa iyong katawan ang radiation.

Heto ang first aid sa radiation exposure:

1. Tanggalin ang lahat ng suot na damit at ilagay ito sa isang saradong lalagyan. Alisin din ang sapatos at medyas. Sa ganitong paraan, mapipigilan na ang pagkalat ng radiation mula sa damit.

2. Maligo at magkuskos maigi ng buong katawan gamit ang sabon at tubig. Sa ganitong paraan, matatanggal ang 90% ng kontaminasyon sa balat.

3. Pagkaligo, tuyuin ang katawan at magsuot ng bathrobe o maluwag na damit.

4. Huwag lagyan ng ointment ang mga apektadong balat.

5. Kung malapit kayo sa lugar ng nuclear exposure, umalis at lumayo muna sa lugar.

6. Lagyan ng sapat na proteksiyon ang inyong tinitirahang bahay. Kailangan ay makapal at konkreto ang dingding para mabawasan ang radiation.

7. Magsuot ng face mask dahil nalalanghap din ang radiation.

8. Pumunta sa ospital para sa karagdagang check-up at gamutan. Susuriin ang dugo kung nagkadiperensiya ba ito. Posible rin na pumasok sa loob ng katawan ang radiation. Magpatingin agad sa doktor para masuri ito. Good luck po.

vuukle comment

SARADIATION SICKNESS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with