Ang silent diplomacy sa West Philippine Sea
AYAW natin ang mga nangyayaring harassment sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea. Tiyak ko, maraming galit sa mga Intsik na nangongotong ng isda sa ating mga fishermen. Nung una, naasiwa rin ako sa tila pagwawalang-bahala ng administrasyon sa problema. Ngunit naisip ko - ano ang tamang patakaran na dapat ipairal? Noon, “palaban” ang policy ng nagdaang administrasyon sa usaping ito.
Dininig noon ni Presidente Aquino si Senador Trillanes pero doon nagsimula ang pahirap sa mga mangingisdang Pilipino. Hinaharang na sila sa pangingisda sa sariling teritoryo Pilipinas. Kapag sumisige ang mga mangingisda sa Scarborough o Panatag, tinitira sila ng water canons. Mabuti na lang at hindi bala ang isinalubong sa kanila.
Ngayon, dumarami ang mga pulitikong nag-aalala kuno sa kabuhayan at kalagayan ng mga mangingisda. Ngunit noong araw, kahit malinaw ang harassment ng mga Chino sa mga Pilipino ay wala tayong reklamong naririnig mula sa mga pulitiko.
Walang nagpanukala sa nakaraang administrasyon na dagdagan ang pondo para sa pagbili ng mga patrol ship at pagpaparami ng mga kawani ng Coast Guard at Navy. Oo nga’t nakakuha ang Pilipinas na desisyon mula sa Arbitral tribunal ng UN na pabor sa atin pero ayaw naman itong kilalanin ng China. Sa bagong administrasyon, napatunayan natin na hindi paramihan ng protesta ang labanan o patapangan ng salita.
Ang dapat nating pakinggan ngayon ay ang boses ng mga mangingisdang naapektuhan. Sabi nila, ayaw nilang magutom ang kanilang pamilya at mas maginhawa na ang kanilang pangingisda ngayon. Totoong dumaranas sila ng “pangingikil sa karagatan” pero wala ito kumpara sa karahasan na dinaranas nila noon sa Panatag shoal.
Gayunpaman, hindi ako pabor na manatili tayo sa ganyang kondisyon. Naaalipusta ang ating soberenya. Suportahan natin ang mga mangingisda sa hinihinging tulong sa pamahalaan ngunit hindi sa paraang umaakit ng “giyera” sa isang dragon na ayon mismo kay ex-president Noynoy ay hindi tayo uubra kahit sa “pitikan ng ilong.”
- Latest