^

PSN Opinyon

Nabiktima ng manugang

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

AYON sa Art. 332 (1) ng Revised Penal Code, ang asawa­, anak, magulang o ninuno na gumawa ng krimeng pag­na­nakaw, panloloko o ng panghaharot laban sa isa’t isa, ay walang pananagutang criminal kundi sibil lang. Ito ang batas na ginamit ni Akihiro sa  kanyang kaso.

Kasal si Akihiro kay Teresa, isang Pilipina at isa sa mga anak na babae ni Juanita na isang biyudang may mga mahahalagang lupa sa Tagaytay City. May anim na anak sila Akihiro at Teresa at ang pinakamatanda ay sina Hazel at Tricia. Matapos ang ilang taon ng pagsasama, namatay si Teresa sa Japan.

Napilitang umuwi ng Pilipinas si Akihiro at ang kanyang mga anak para makasama si Juanita. Habang nakatira sa biyenan ay may pinapirmahang mga dokumento si Akihiro kay Juanita na noon ay bulag na. Nag-thumb mark pa sa doku­mento ang matanda. Pinapaniwala ni Akihiro ang biyenan na may kinalaman ang mga dokumento sa pagbabayad ng amilyar ng lupa pero ang totoo ay special power of attorney (SPA) ito na binibigyan ng kapangyarihan ang menor de edad na si Hazel na ibenta ang mga lupang pag-aari ni Juanita sa Tagaytay.   

Sa bisa ng SPA, nakahanap ng mga bibili ng lupa si Akihiro. Pinapirma niya ng tatlong deed of sale si Hazel pabor sa dalawang babaing Filipino-Chinese kapalit ng halagang P22,034,000. Natanggap niya ang pera pero hindi man lang niya ibinigay ito kay Juanita o kaya sinabi niya kung saan napunta ang pera hanggang sa namatay na si Juanita.

Sa pagkamatay ni Juanita, si Helen na isa sa mga anak niya ang naging tagapamahala ng kanyang ari-arian. Nalaman ni Helen kay Hazel ang tungkol sa panlolokong ginawa ni Akihiro pero nagmatigas ang Hapones at hindi ibi­nalik ang pera. Kaya bilang tagapamahala ng mga ari-arian ng namayapang ina ay nagsampa si Helen ng kasong estafa sa pamamagitan ng pagpalsipika ng dokumento laban sa bayaw na si Akihiro sa Department of Justice.

Hiniling ni Akihiro na ipawalang saysay ang kaso dahil ayon sa kanya ay wala raw siyang pananagutang criminal alinsunod sa Art. 332 (1) ng Revised Penal Code sapagkat ang biktima ng krimen ay biyenan niya.

Kinontra ng prosekusyon ang mosyon sapagkat ang relasyon daw ni Akihiro sa kanyang biyenan ay naputol na noong namatay ang asawa niyang si Teresa. Pero pinagbigyan ng korte ang mosyon at binasura ang kaso laban kay Akihiro. Hindi raw mabubura ng pagkamatay ni Teresa ang katotohanan na manugang ni Juanita si Akihiro. Wala raw siyang pananagutang kriminal. Pareho ang naging hatol ng Court of Appeals. Tama ba ang RTC at CA?

Sabi ng Supreme Court kahit na ang relasyon sa na­iwang asawa at sa mga kadugo ng kabiyak niya ay nananatili batay sa Art. 332 (1) ng Revised Penal Code uubra lang sa mga simpleng krimeng pagnanakaw, panloloko at panghaharot at hindi sa mga kumplikadong kaso tulad ng estafa sa pamamagitan ng pagpalsipika ng dokumento.

Ayon sa nilalaman ng impormasyon, kasuhan si Akihiro hindi lang ng estafa kundi ng estafa sa pamamagitan ng pagpalsipika ng dokumento. Nagkaroon ng palsipikasyon sa SPA at sa mga deed of sale na nagresulta sa estafa. Ang sakop lang ng Art. 332 ay ang karapatan ng mga miyembro ng pamilya sa ari-arian na nilabag ng akusado. Pribadong usapin ito at magkakaroon lang ng civil liability. Ang pagkawalang pananagutang kriminal ay hindi uubra sa ganitong kaso na nagkaroon ng palsipikas­yon ng doku­mento kung saan ang interes ng publiko ang nakataya. Kaya’t dapat lang makasuhan at managot si Akihiro para sa complex crime ng estafa sa pamamagitan ng pagpalsipika ng dokumento (Estate of Gonzales Vda de Carungcong vs. People and William Sato, G.R. 181408, February 11, 2010). 

vuukle comment

ART. 332 (1) NG REVISED PENAL CODE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with