^

PSN Opinyon

Bantayan ang kilos sa banko ng GSIS

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

LANG ulit nang napaglalangan ang mga kasapi ng GSIS. Pinaglaruan na parang personal na pera ng mga Pangulo ang retirement mutual fund. Itinustos ng political appointees ang bilyon-bilyong piso sa mga bulok na kumpanya. Dalawa ru’n ay naluluging banko ng mga bata-bata ng Malacañang. Nu’ng dekada-80 pinagsanib ang mga banko at binili ng GSIS, miski hindi kailangan, ang 99.6%. Ginawa itong gatasan.

Tulad ng anumang banko na ibinalato sa alalay ng mga politiko, malimit kinapos sa pondo ang GSIS Family Bank (GFB). Bilang magulang, GSIS tuwi-tuwina­ ang naglaan ng dagdag kapital -- bilyon-bilyong piso na naman. Nu’ng 2013, miski isinailalim ang GFB sa umano’y mahigpit na Governance Commission for GOCCs, lalong sumama ang palakad nito. Dahil hindi malunasan ang pagdudugo ng pera, inilagay ng Banko Sentral ang GFB sa receivership nu’ng Mayo 2016. Makalipas ang dalawang buwan, nag-imbita ang Philippine Deposit Insurance Corp., bilang receiver, ng mga financial institutions na nais bilhin ito.

May halaga pa nu’n ang GFB: P2.4-bilyong ari-arian, P500-milyong cash, buong deposito ng mga kliyente, at 22 sangay. Pero walang kumagat, dahil big­lang pinahirap ng PDIC ang terms sa pagbili. Ipinagtaka na lang ng mga bankero nang ianunsiyo ng PDIC nu’ng Nobyembre na isasara na raw ang GFB.

Dapat ipaliwanag sa mga kasapi ng GSIS kung mababawi pa ang pera nila na itinustos sa GFB. Tungkulin ito sa kanila ng GFB board of directors, GSIS board of trustees, BSP, PDIC, at mga politikong may hawak ng 0.4%. Kung winaldas na naman ang pera ng mga kawani ng gobyerno, dapat lang isakdal ang mga salarin. Tama na, sobra na ang pang-aapi sa mga walang boses na nagse-serbisyo publiko.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

vuukle comment

GSIS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with