Benta sa internet mas malakas na
RAMDAM na ramdam na nang marami ang masamang trapik sa Metro Manila. Karaniwan na ang biyaheng umaabot ng higit dalawang oras. Kapag minalas pa, lima hanggang anim na oras na nasa kalsada. Dapat nga ay lagi na may dalang pagkain at tubig sa sasakyan kung sakaling abutan ng trapik. Kanya-kanya na ring diskarte kung sakaling kailangang magbanyo, isang bagay na maaaring maging kalbaryo para sa mga motorista at pasahero.
Ayon sa MMDA, sa dami ng mga namimili ngayon, hindi na talaga maiwasan ang matinding trapik, patikular mga lugar sa paligid ng mga mall. Pinalawig na nga ng mga mall ang kanilang oras, alas-onse na ng gabi para sa iba, pero tila hindi rin ito nakapagbigay ng lunas sa trapik. Ngayon, kahit hatinggabi na, dagat ng pulang ilaw pa rin ang matatanaw sa EDSA.
Kaya nagiging malakas na rin ang pagbili ng mga gamit sa internet, o online shopping. Sa US, napansin na mas marami na ang namimili sa internet, imbis na magtungo pa sa mga mall. Ang kilalang “Black Friday” o ang Biyernes na kasunod ng Thanksgiving na kilalang araw kung saan napakatindi ng mga sale, humina ang benta sa mga tindahan, pero lumakas naman ang benta sa internet. Kung noon ay maraming natutulog sa labas ng mga mall nang sa ganun ay sila ang mauna sa pagbili ng mga murang kagamitan, mas marami na ang naghihintay na lang sa internet. Walang pila, walang agawan, walang awayan.
Pero may babala naman ang DTI sa mga namimili sa internet. May posibilidad na mga nakaw na kagamitan ang ibinebenta. Kaya kung mamimili sa internet, sa mga kilalang tindahan lang mamili, para hindi rin maloko. Computer nga naman ang kaharap mo at hindi na tao. Mag-ingat din sa bayaran. Mas maganda kung kaliwaan na lang ang bayaran. Kapag nadeliber o kapag nabigay na ang pinamili, saka lang magbayad. Mahirap na kung credit card at baka kung saan-saan gamitin. Kung may skimming sa mga ATM, paano pa sa internet kung gagamiting pambayad ang credit card. Sa panahong ito na tila napakadaling gumastos, kailangan pa ring mag-ingat at ito rin ang panahon na naghahanap ng mga biktima ang mga kawatan.
- Latest