^

PSN Opinyon

'Kantahan at tagaan'

- Tony Calvento -

YUMUKO, dumantay at pumikit. Tumulo ang kanyang mga luha. Bawat pagpatak nito sinalo ng salamin ng kabaong na puti.

“Jun….bakit ikaw pa?” umiiyak na tanong ni ‘Noemi’ habang nakasilip sa mister sa loob ng ataul.

Nagsadya sa’min si Noemi Abardo, 37 anyos ng San Isidro, Taytay, Rizal.

Nakatahi na ang palibot ng leeg ng asawang si Antonio “Jun” Gonzaga Jr., 36 anyos ng datnan ni Noemi.

‘Construction worker’ si Jun. Kung saan siya nadestino sa halip na umuwi ng arawan, sa barracks ito namamalagi at lingguhan kung bumalik ng bahay.

Nobyembre 2011, nagtrabaho si Jun sa isang ‘farm’ sa Anggat, Bulacan. Taga gawa siya dun ng kulungan ng manok.

Ika-20 ng Nobyembre ng parehong taon, araw ng Linggo, nagkasundo ang mag-asawang uuwi na lang si Jun isang beses sa isang buwan. Tatlong daang piso din kasi kada linggo ang kanilang matitipid.

Hindi akalain ni Noemi na mag-iinuman pala sina Jun at mga katrabaho nang Linggong iyon. Dito na nangyari ang pagpatay.

Lahat ng impormasyon sa pagkamatay ng asawa, nalaman lang ni Noemi mula sa testigong si Rolando Beringuel, kasama ni Jun ng mangyari ang krimen.

Base sa sinumpaang salaysay ni Rolando, 5:30 ng hapon nag-inuman sila Jun, Benjamin Serrano, Rico Garde, Christian Payad, Romulo Lumacaw, Domingo Damagan, Jomar Paner, Jake Saludareb, Marvin at Marlon Lugasan. Nag-videoke sila sa tindahan ni Vilma Elueterio ng Sitio Luya, Brgy. Talbak, Doña Remedios Trinidad, Bulacan.

Habang papunta sila sa tindahan napansin na niyang may limang kalalakihang nakatambay sa harap. Nakilala niya ang isa dito na si Custodio Peña alyas “Bunso”. Sumunod sila at humarap din sa kanilang harapan.

Bandang 9:00 ng gabi nagpasya silang umuwi sa tinutuluyan sa Talbak. Nakita niyang unang lumbas si Bunso. Paglabas nila, bigla na lang sinalubong ng taga sina Jun, magkapatid na Marlon at Marvin na noo’y nasa harapan niya nung limang kalalakihan na nakilala niya sa mukha. Kasama si Bunso.

Nagtakbuhan ang kanilang kasamahan. Si Rolando pumasok sa loob ng bahay sa takot. Ilang sandali tinakbo nila sa Malolos Hospital si Marvin. Sina Jun at Marlon naman dinala na sa Funeraria.

Habang nasa ospital, nakapulot ang isang Christian Payad o “Ayan” ng cell phone na pagmamay-ari ni Jomar “Buboy” Dela Cruz. Nakita niya dito ang litrato ng tumaga kina Jun. Nalaman niya ang pangalan ng mga ito na sina Jomar, Anicio Dela Cruz, Joseph Pascual at Jason Duran.

Ilang araw makalipas may nabalitaan na lang niyang umalis na ang mga suspek sa Brgy. Talbak. 

Ika-28 na ng Nobyembre ng nakapag-report sa Doña Remedios Trinidad Police Station si Noemi at si Arleen asawa ng namatay rin na si Marlon. Si Marvin naman kinailangang lubos na magpaga­ling dahil sa tinamong taga.

Nagsampa ng kasong Murder si Noemi laban kina Jason, Anicio, Buboy, Joseph at Bunso. Dinidinig ito sa Prosecutor’s Office, Malolos, Bulacan.

Iba naman ang tinuturong salarin ni Bunso. Batay sa Sinumpaang Kontra-Salaysay niya. Alas onse ng umaga, inaya siya ni Ayan na maligo at mag-inuman sa ilog Gariang. Kasama sina Jun, Marlon at pitong pang nagko-construction.

Alas dos pa lang ng hapon natapos na ang inuman. Nag-alisan na sila at umuwi na siya sa bahay. Alas singko ng hapon nagpunta siya sa tindahan upang mag-merienda. Inabutan niya ang dalawa niyang kapatid na babae. Inaya siya na magpunta sa Brgy. Akle upang mag-internet lulan ng motorsiklo,

Ala sais na ng makarating siya sa Sitio Luya. Habang papauwi sila nadaanan nilang nag-iinuman sa tindahan si Aya, Jun, Marlon at ibang construction workers.

Inaya siyang uminom. Tumanggi siya at sinabing babalik pag­hatid sa mga kapatid. Inutusan siya ng ama ni Ayan na sunduin ang anak sa tindahan. Ituloy na lang daw sa bahay ang inuman nila. Pagdating dun sinabi ni Ayan na uubusin lang nila ang alak at saka lilipat kaya’t nakitagay na rin Bunso.

Biglang nawalan ng kuryente. Nagpasya na silang umuwi. Kasunod nito nakarinig siya na may nag-aaway. Nakita niya ang magkapatid na John Eric at John Michael Duaño na na noo’y may hawak na itak. Tinaga ni John si Marvin sa kaliwang tenga. Sumunod namang tinaga ni Eric ang kamay ni Marlon na may hawak na ‘flashlight’. Nabalot ng dilim ang paligid

Sa takot nagtago si Bunso sa tapat ng bahay kasama sina Ayan at tatlo pang kainuman. Nagsisigaw siya, “Tulong… tulungan niyo kami Tata Veyo!”. Lakas loob niyang nilapitan ang mga nakahandusay sa tabi ng videoke. Gamit ang ilaw ng cell phone nakita niya si Marvin na gumagalaw. Inalalayan niya ito at inupo. Dumaan ang motorsiklo ni Sonny Daria. Agad itong hinarang ni Ayan at pinakiusapan sabihin sa amang si Victor Payad na tulungan sila. Dumaan naman ang motorsiklo lulan ang mag-asawang Roberto at Rona Montilla,kanilang kalugar. Humingi sila ng saklolo.

Dumating ang ama ng magkapatid na Duaño na Ricky Duaño, hepe ng brgy. Tanod-Talbak. Agad na sinabi ni Bunso, “Tinira kami ng mga anak mo!”

Sumagot si Victor na, “Huwag niyong idadamay ang mga anak ko sa pangyayari. Kapag tumestigo ka may mamatay!” Dahil sa takot hindi na nagsalita si Bunso. Kahit nung maimbitahan ng mga pulis, tikom ang bibig niya. Umalis siya ng Talbak at nagpakalayo hangang masangkot ang pangalan niya sa kaso. Dito siya lumutang at nagbigay ng salaysay.

Nagbigay rin ng kontra-salaysay sina Jomar, Buboy, Joseph at Anicio. Ayon kay Buboy, nagpa-load siya nun sa tindahan kasama si Joseph ng biglang mawalan ng kuryente, nagkagulo. Sa takot nagtakbuhan sila. Naiwan niya ang cell phone sa taranta.

Giit naman ni Anicio wala siya sa pinangyarihan ng krimen.

Sa ngayon ‘submitted for resolution’ na ang kaso ito. Gustong malaman ni Noemi ang legal na hakbang na maari niyang gawin kaya’t nagsadya siya sa amin.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”, ng DWIZ 882 KHZ(tuwing 3:00-4:00)ang istorya ni Noemi.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi namin maiwasang isipin kung bakit matapos ang tagaan naiwan pa si Buboy sa ‘crime scene’ at tumawag pa siya ng saklolo sa mag-asawa. Maari namang beripikahin ito mula sa mga taong binanggit niya kung may ganito ngang pangyayari. Ang karaniwang reaksyon ng nai-‘involve’ sa krimen ay mabilis na lilisanin niya ang pinangyarihan. Naiwan si Bunso. Sinabi niya dahil sa takot pumunta siya sa bahay ng isang kamag-anak.

Ang lahat ng pahayag ng mga suspek ay puro mga denial at alibi (homicide by tumultuous affray) maliban kay Bunso na ‘verifiable’ kung gusto talagang imbestigahan. Ito ang titimbangin ng taga-usig dahil ang statement naman ng isang biktima (Marvin) at testigong si Rolando ang sinasabi sina Bunso at mga kasama nito ang mga na­naga. Ito ay direstang inaakusahan sila sa pamamagitan ng ‘positive identification’ na alam naman natin kung ano ang higit na matimbang sa isang mabigat na usapin tulad ng Murder at Frustrated Murder.

Kami naniniwala na ang mga sinasabi ni Bunso ay mas mainam na pag-usapan sa isang malawakang paglilitis kung saan makakapaglatag ng ebidensya at makakapagbigay ng pahayag mula sa mga taong makakapagpatunay kung sino talaga ang may kasalanan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)Ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig Citymula Lunes-Biyernes.

* * *

Follow us on twitter: Email: [email protected]

vuukle comment

AYAN

BUNSO

JUN

MARLON

MARVIN

NIYA

NOEMI

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with