'Bahala ka na inay'
- Tony Calvento () - April 21, 2010 - 12:00am

MADALAS mangyari na ang mga magulang lalo na ang mga ina ang bumabalikat ng problema kapag ang kanilang mga anak ay nasasangkot sa kasong kriminal.

Si Elsa Bermeo, 45 taong gulang ng Cainta, Rizal ay nagsadya sa aming tanggapan upang humingi ng tulong dahil sa pagkadawit ng kanyang anak sa isang gulo.

Ang tinutukoy ni Elsa ay si Manuel mas kilala sa tawag na ‘Ryan’, 26 na taong gulang.

‘Under-graduate’ ng kursong Associate in Computer and Technology si Ryan. Dalawampung taong gulang palang si Ryan ng magsimula siyang magtrabaho sa mga ‘food chains’.

Tuwing sahod ni Ryan nag-aabot agad siya ng pera sa kanyang ina. ‘Workaholic’ si Ryan ayon na rin ay Elsa. Wala umanong ibang hilig si Ryan kundi ang magtrabaho.

Ika-20 ng Marso 2010, araw ng sweldo ni Ryan. Matapos niyang mag-abot ng pera kay Elsa lumabas ito para magpa-‘load’.

Alas-dose na ng hating gabi nun sarado na ang mga tindahan. Tanging ang 24/7 store nalang ang bukas kaya’t dun siya dumiretso.

Pagdating dun nakita niyang nag-iinuman ang dating nakaalitang si Leonard Santos a.k.a “Ube” kasama ang isang babae at tomboy.

Napansin ni Ryan na lasing na si Ube. Takaw gulo umano si Ube sa kanilang lugar tuwing malalasing kaya’t si Ryan na ang umiwas, hindi na siya nagpa-‘load’.

Pumunta si Ryan sa Sitio Bayabas para maghanap ng loadan. Habang naglalakad si Ryan nagulat nalang ito ng tawagin siya ng pinsang si Joseph Cruz o “Otep” na noo’y umiinom kasama si Ranny Cruz mas kilala sa tawag na “Talangka”.

“Pssst! Ikaw talaga, porket sweldo mo ngayon hindi ka namamansin!” wika ni Otep.

Lumapit agad si Ryan sa nangangantiyaw na pinsan at sinabing, “Gusto niyo ba ng Gin? Sige bili ko kayo ng Gin,”.

Nag-inuman ang tatlo. Matapos magkasiyahan, umuwi na sila Ryan. Dumaan ulit sila sa 24/7 store, naabutan niya pa ring nag-iinuman sina Ube dun. Ayaw mang lumapit ni Ryan sa tindahan ay kailangan na talaga niyang magpa-load dahil kailangan niyang sagutin ang ‘text’ ng ‘girlfriend’.

Paglapit sa tindahan, bigla nalang siyang hinawakan sa kamay ni Ube at inakbayan. Sa puntong ito pansin ni Ryan na lasing na lasing na si Ube kaya’t hindi na niya ito pinatulan.

Naisip niyang bigyan ng isang ‘mucho’ ng ‘red horse’ si Ube pang banlaw (pambaba ng tama) at ng sa ganun ay makaalis siya sa mahigpit na pagkakahawak nito.

“Pare, ito oh red horse, pang banlaw niyo. Bitawan mo na ko, uuwi na kami eh,” pakiusap ni Ryan.

Naiabot na ni Ryan ang alak subalit hindi pa rin kumakalas sa pagkakaakbay sa kanya ang nangungulit na si Ube.

Napilitan ng sitahin ni Talangka si Ube. Lumapit ito kay Ube at sinabing, “Ube, bitiwan mo na yan Pare!”

Nagalit si Ube sa pangingialam ni Talangka. Sinagot naman umano siya ni Ube na, “Wag kang makialam! Pare! Okay!”.

Nagkainitan ang dalawa, nagsagutan hanggang magsa­pakan. Pumagitna si Ryan kay Ube at Talangka. Inawat niya ang mga ito subalit ayaw umanong paawat ni Ube.

Ang pinsan naman niyang si Otep ay walang ginawa nung una kundi manood lang. Nang makita niyang nagwawala si Ube binigyan niya ito ng malakas na suntok. Bumagsak si Ube. Si Talangka naman tinadyakan pa umano ito sa mukha hanggang sa mawalan ng malay.

Sinugod sa Amang Rodriguez Hospital si Ube. Nang magkamalay siya agad siyang tinanong ng pulis Cainta kung sinong bumugbog sa kanya.

Nung una umano’y hindi makasagot ng diretso dahil ng mangyari ang away ay lango siya sa alak. Nagulat nalang ang lahat ng idiin nito si Ryan.

Agad na dinampot ng pulis si Ryan. Dineretso agad siya sa Police Community Precinct (PCP) III, Cainta.

Nagharap sina Elsa at ang ina ni Ube na si ‘Vin’. Sinu­bukang makipag-areglo ni Elsa para mapawalan ang kanyang anak. Paliwanag ni Elsa umawat lang ang kanyang anak subalit hindi pumayag ang pamilya ni Ube.

Kinulong siya subalit nagbigay ng ‘order’ si City Pro­secutor Tobias Arriola na pakawalan si Ryan dahil isasailalim sa isang pormal na preliminary Investigation.

Kinasuhan si Ryan ng ‘Frustrated Homicide sa tanggapan ng Prosecutor’s Office, Cainta.

“Nadiin na ang anak ko sa kasong di niya kasalanan. Umawat lang ang anak ko! Hindi siya nambubugbog. Sina Otep at Talangka ang nakipag-away, sila ang dapat kasuhan,” wika ni Elsa.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Elsa.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, bagamat lumapit sa amin ang ina nitong si Ryan at naging ugali na namin tulungan sa abot ng aming makakaya ang bigyan sila ng mga ‘legal assistance’, hindi rin naman namin kaya na basta balewalain ang isang diretsong pahayag ng biktima. Nung siya’y tanungin kung sino ang taong may kagagawan ng pananakit sa kanya? “Si Ryan Bermeo!” ang kanyang walang kagatul-gatol na pinangalanan bagamat siya’y nakaratay sa ospital at wala pang katiyakan kung malalampasan niya ang kanyang mga tinamong pinsala. Ang ina ay ina sa lahat ng oras at panahon. Para sa kanya kailan man hindi pwedeng maging masama ang kanyang anak.

Maliban pa rito, ang pagbanggit ng biktima na dati na silang nagkaroon ng alitan nitong si Ryan ang maaring maging basehan para maging motibo nitong si Ryan kaya niya nagawa yun. Sa ngayon ay isasailalim siya sa isang masusing preliminary investi­gation kung saan maihahayag niya ang kanyang depensa na ang nanakit kay Ube ay ang kanyang pinsang si Otep at si Talangka. Sa isang Preliminary Investigation ‘probable cause’ lang ang hinahanap. Itinuturo siya ng biktima at mahihirapan si Ryan na kumbinsihin ang tagausig kaysa sarili niyang ina. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Para sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landLine ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

ELSA LSQUO RYAN SIYA TALANGKA UBE
  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with