DA, BAI at BABOY!
HANGGANG kailan ang mga police checkpoints sa Bulacan para sa mga ibinibiyaheng double dead na karne patungo sa mga palengke ng Metro Manila?
Papaano kung sasabihin ng Department of Agriculture (DA) partikular ang Bureau of Animal and Industry (BAI) na ligtas na ang mga baboy sa Bulacan sa hog cholera?
Ito bang checkpoints ng mga pulis ay dahil lamang sa pinangangambahang mga baboy na nagkasakit at namatay (hog cholera?) ay baka kumalat sa mga pamilihang bayan sa Maynila?
Sa unang tingin, maganda ang dating. Ito’y sa panlabas lamang, may ginagawa nga ang ating gobyerno.
Subalit ang hindi nakikita ng mga kinauukulan partikular na ang mga nabanggit na tanggapan, may pagkukulang. Sila ‘yung mga kulang-kulang.
Hindi ko sinisisi ang “peste” tulad nitong hog cholera sa gobyerno, subalit para sa mga eksperto, hindi sila makalulusot dahil may kapabayaan.
At ang kapabayaang hindi nakikita, ay doon sa mga lintik na malalaking pig farms sa Bulacan na halos hindi na binibisita ng mga municipal o provincial inspectors sa ilalim ng DA at BAI.
Ang mga hinayupak na nagmamay-ari maging ang mga namamahala ng mga naglalakihang piggery farms ay sing-bantot ng kanilang mga mababahong baboy.
Alam ng mga dupang na’to ‘yung mga baboy na may sakit at naghihingalo na, nag-aantay na lamang malagutan ng hininga at pagkatapos ay kanilang ibebenta pa.
May mga suking bumibili ng mga baboy na namatay dahil sa sakit ang mga kolokoy na pig farms sa Bula-can. Kaya naman, kumakalat ‘yung mga double dead na karne sa Kamaynilaan.
Kung tutuusin, ang mga may sakit na baboy at namatay ay dapat sinusunog o di kaya inililibing sa loob mismo ng farm. Alam ito ng DA at BAI. Subalit gusting pagkakitaan ng mga baboy este mambababoy sa loob ng pig farm.
Araw-araw ay may mortality rate o namamatay na mga hayop sa loob ng pig farm o di naman kaya sa mga poultry farm. Ang sis-te, nanghihinayang itong mga gahaman sa mga pig farm sa Bulacan.
Ito yung hindi nakikita na realidad ng mga kasamahan namin sa media at ang naibabalita ay epekto lamang ng problema.
Ngayon, alam niyo na. Alam niyo na rin ang dahi-lan ng problema. DA at BAI, kilos, pronto!
- Latest
- Trending















