^

‘Elena dela Paz, Gen. Kintanar, Martinez, swak sa Nida case’

CALVENTO FILES - Tony Calvento () - December 5, 2005 - 12:00am
NGAYONG ARAW NA ITO PINANGAKO NI SEC. RAUL GONZALEZ NG DEPARTMENT OF JUSTICE SA AMING PROGRAMA NUNG SABADO SA DWIZ, "HUSTISYA PARA SA LAHAT" NA ILALABAS NA ANG RESOLUTION SA MGA KASONG ISINAMPA LABAN SA APAT NA BAGONG RESPONDENTS SA PAGPATAY SA PRIMYADONG AKTRES NA SI MS. NIDA BLANCA.

Ang apat na ito ay sina Elena dela Paz, si Gen. Galileo Kintanar, Bernardita dela Paz, pamangkin ni Nida at si Mike Martinez.

I am venturing a calculated guess, batay sa aking pag-analyze at sa patutok sa kasong ito, nuon pa, alam n’yo naman lahat yan, kung ano ang magiging resulta ng resolution.

Una, ang kaso laban kay Bernardita dela Paz. Siya ay nadawit dahil ibinili niya ng ticket papuntang America si Rod Strunk. Sa ganang akin, wala akong nakikitang masama sa ginawa nitong si Bernardita (Ditas) dahil si Strunk nung mga panahong yun ay wala pa namang warrant of arrest at ang dahilan niya ay upang bisitahin niya ang kanyang pamilya, mga kapatid niya na may sakit.

DISMISSED, dahil sa lack of merit ang basa ko sa kasong isinampa laban kay Ditas dela Paz.

Ang kaso laban naman kay Mike Martinez, na hanggang ngayon ay hindi lumulutang (nangangamba ang pamilya na ito’y patay na) magpahanggang ngayon has remain uncontroverted. Hindi nakasumite ito ng Counter-Affidavit. Positibong inidentify siya nila Andrada Dalandas at ni Rannie Francisco. Si Francisco ay nagsabi sa clarificatory questioning na kasama siyang sumundo kay Nida sa Atlanta nung mga bandang alas-singko ng hapon nung gabi bago siya pinatay.

Si Dalandas naman ay nagtestify na nakita niya si Martinez na akay-akay si Nida nung umaga ng Nov. 7, 2001 sa Atlanta parking lot kasama sina Philip Medel, Rod Strunk, at isa pang hindi pa kilalang lalake.

Nasisiguro kong masasampahan itong si Mike Martinez ng kasong MURDER bilang PRINCIPAL.

Si Elena dela Paz naman ay positibong kinilala ni Ranny Francisco na sumundo kay Nida mga bandang alas-singko y media ng hapon sa parking lot ng Atlanta sa sixth floor. Nakita raw siya ni Francisco na may kasamang dalawang lalake.

Nagsumite naman si Elena ng mga affidavit mula sa kanyang mga kasama sa bahay na nagpapatunay na nandun siya sa bahay sa White Plains nung mga oras na yun at hindi umalis.

Mga kaibigan, ilang ulit ng pabagu-bago ang testimonya nitong si Elena.

Sa aking pakikipag-usap sa kanya napansin ko rin ang mga inconsistencies sa kanyang testimonya. Alibi ang depensa ni Elena dela Paz. Between an alibi at isang direct identification mula sa testimonya ng isang testigo mas binigyang diin ang huli.

Nakausap din naming si Chief Persida Rueda-Acosta ang hepe ng Public Attorney’s Office at sinabi nito na nakikipag-usap na rin sa kanyang tanggapan itong si Elena para humingi ng tulong sa kaso.

Ito’y isang malinaw na pagpapakita na mismong si Elena ay nararamdaman na niya na maaring sumabit siya sa kaso ni Nida Blanca.

Muli kong nililiwanag na ang aking mga sinasabi ay opinion ko lamang batay sa aking pag-aanalyze ng mga circumstances sa kasong ito.

Masasampahan ng kasong MURDER as an ACCOMPLICE itong si ELENA DELA PAZ sa pagkamatay ni Nida Blanca.

Sa puntong ito, sinabi sa akin, (sa ating lahat) ni Former Justice Harriet Demetriou, abogado ng pamilya ni Nida Blanca, na ang tungkol sa pagkadawit sa kaso ni Elena ay hindi raw nila kukusintihin kung makasuhan man ito. The axe fall where it should" ang famous words ni Harriet tungkol kay Elena. Dinagdag pa ni Harriet na kung sakaling masampahan (ma-edict) si Elena, kailangan siyang humanap ng sarili niyang abogado at paalisin siya sa tahanan nila Kaye Torres.

Mangyari kaya ito sakaling masampahan nga ng kaso itong si Elena?

Mabigat naman kasing isantabi ang mga di nagtutugmang pahayag ni Elena. Ang interview na ibinigay niya sa kanyang pamangkin at kay Ms. Angelique Lazo na nagsasabi kung paano napatay si Nida. Kung paano natagpuan si Nidang duguan at biktima ng foul play gayung wala pang SOCO o imbestigasyon ginagawa ang mga pulis.

Matatandaan din na matapos ang krimen, si Elena ay tumestigo at nagsabi na si Rod Strunk ay nandun lamang sa bahay sa White Plains buong gabi sa kanyang kwarto (sa den) subalit ang hindi nila sinasabi ay merong sariling daan si Rod Strunk mula sa kwarto palabas sa kalye na maaring lumabas masok itong si Strunk na hindi nalalaman ng kanyang mga kasama sa bahay.

Nung unang isinampa ang extradition case laban kay Strunk, isa sa mga kinosindera ng korte sa California kaya hindi naibalik si Strunk sa Pinas ay ang sinabi ni Elena na nandun ito sa loob ng bahay buong gabi.

Si Elena ay nagsabi din na bumaba siya ng bandang alas-dos ng umaga at nakita niya si Strunk na nandun at nakaupo sa silya sa loob ng kwarto niya. Tinanong ko kung anong suot niya at sinabi nito na nakapantalon. Madaling-araw hindi man lang nakapambahay o pantulog o naka shorts.

Ang estimated time of death ni Nida ay inilagay sa mga bandang ala-una hanggang alas-kwatro ng umaga batay na rin sa medical examination at autopsy report na inilabas ni P/Sr. Supt. Cristina Freyra, hepe ng SOCO ng Eastern Police District.

Para sa akin sangkot siya sa kaso ni Nida maaring hindi as PRINCIPAL subalit bilang ACCOMPLICE for the crime of MURDER.

Mapunta naman tayo kay Gen. Galileo Kintanar. Maraming mga testigo ang nagbigay ng salaysay na nag-uugnay sa kanya sa pagpatay kay Ms. Nida Blanca. Na itong dating Hepe ng ISAFP ang nagpakilala kina Medel at Martinez kay Strunk. Na sa kanyang bahay nagkaroon ng meeting kung saan nababanggit ang mga pangalan nila Strunk, Ding Ding Tantoco, Elena dela Paz at maski na si Bernardita dela Paz.

Karamihan dito ay nagsasabi na pinaplano ang pagpatay kay Nida.

Subalit, inuulit kong muli, ang daming nasasangkot sa mga pahayag ng testigo na kung sasampahan ng kaso bilang principal o accomplice itong si Gen Kintanar, dapat isali ang lahat ng mga pangalan na lumulutang.

Para sa akin, sasabit itong si Gen. Kintanar sa kasong Murder bilang Accessory, ito’y batay sa testimonya nila Pedro Pates at ni Leonilo Gonzaga. Ang dahilan na sa ganang akin, si Gen. Galileo Kintanar ay nakipagkita kina Gonzaga at Pates kung paano at ano ang gagawing "damage control" sa paglutang ni Medel at pag-amin na siya ang pumatay kay Ms. Nida Blanca.

Anuman ang mangyayari o ang nakasulat resolusyon ng 3 man panel na nagconduct ng Preliminary Investigation ay malalaman mamayang alas-dos ng hapon sa isang press conference na gaganapin sa Department of Justice.

Malalaman natin kung malayo ang aking sariling analysis sa isang kasong "I personally know inside out" at inilathala una na dito sa "CALVENTO FILES" eksklusibo sa PSNGAYON at sa PM para sa inyong lahat.

Para sa anumang reaksyon o comments, maari kayong tumawag sa aming tanggapan, 638-7285, magtext sa 09213263166 0 sa 092909672854.
* * *
E-mail address: tocal13@yahoo.com

ELENA KAY KUNG NIDA PAZ STRUNK
  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with