7,485 bagong hawa ng COVID-19 naitala ng DOH; kaso nasa 1,293,687 na
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 7,485 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Biyernes, kung kaya nasa 1,293,687 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,293,687
- Nagpapagaling pa: 56,921, o 4.4% ng total infections
- Kagagaling lang: 4,504, dahilan para maging 1,214,454 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 122, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 22,312
Anong bago ngayong araw?
-
Ngayong araw ang pinakamataas na daily COVID-19 increase (7,485) sa Pilipinas sa loob ng 13 araw, o halos dalawang linggo. Ito'y matapos ang halos tuloy-tuloy na pagbaba ng arawang infections nitong mga nagdaang mga linggo.
-
Dumating ng Pilipinas ang nasa 1 milyon pang doses ng CoronaVac mula Tsina, habang inaantay pa ng bansa ang nasa 2.2 milyon pang COVID-19 vaccines mula sa Pfizer ngayong araw.
-
Sinabi naman ni presidential spokesperson Harry Roque posibleng maluwagan lalo ang quarantine classifications ng NCR Plus Bubble matapos ang ika-15 ng Hunyo, kahit na sa naka-schedule magtagal ang general community quarantine (GCQ) with restrictions sa lugar hanggang sa katapusan ng buwan.
-
Kinumpirma ng 80-seat Bangsamoro Transition Authority na napapabagal ng COVID-19 pandemic ang pagbabalangkas at pag-aapruba ng mga regional laws sa kanilang lugar, bagay na nangyayari kahit na kabubuo pa lang ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao .
-
Hinihikayat naman ngayon ni Philippine Olympic Committee presidential Abraham Tolentino ang lahat ng Pilipinong atletang nag-eensayo sa ibang bansa na magpabakuna laban sa COVID-19 bago ang Summer Games ng Tokyo Olympics.
-
Nakatakdang iturok kay Police Gen. Guillermo Eleazar ang unang bakuna laban sa COVID-19 na nakalaan para sa mga kawani ng Philippine National Police. Gayunpaman, wala pang schedule ng bakunahan para kay Eleazar.
-
Umabot na sa halos 173.7 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang 3.74 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula Xave Gregorio
- Latest