BuCor personnel, irereporma
MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng repormang isinasagawa sa Bureau of Corrections (BuCor) ni Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.,isasailalim sa seminar ang nasa 100 tauhan nito kabilang ang 50 jail guards na na-relieve sa kanilang mga pwesto kamakailan.
Gaganapin ang dalawang araw na seminar sa New Conference Room, National Headquarters ng BuCor sa Muntinlupa City sa Mayo 30 at 31, 2023.
Sa temang “Leadership in Transition: Inspiring teams through change,” ang seminar sa pakikipagtulungan ng Master’s Lighthouse Foundation.
“Dito sa BuCor, hindi lang persons deprived of liberty ang nire-reform namin, pati mismo personnel namin na medyo naliligaw ng landas ire-reform din namin,” ani Catapang
Sa pagbanggit sa kanyang iba’t ibang proyekto, sinabi ni Catapang na maraming nakalaan na proyekto sa pabahay, at iba pa sa ilalim ng kaniyang administrasyon na nais niyang anihin ng mga tauhan na nagserbisyo sa kawanihan.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni J/SINSP Angelina L. Bautista (Ret.), OIC-Deputy Director General for Operations at ODG-Head Executive Assistant na habang pinaigting ng BuCor ang kampanya laban sa pagpasok ng mga ilegal na kontrabando sa New Bilibid Prison (NBP), may dalawa pang tauhan ang nahuli kamakailan habang sinusubukang magpuslit ng tobacco products o sigarilyo.
Isa dito ang babaeng nurse na nakatalaga sa MedSeCamp-Infirmary Section na nakuhanan ng 6 na pakete sa kaniyang cosmetic pouch at ang isa pang nahuli ay itinago naman sa underwear.
Nasa ilalim na ng imbestigasyon ang dalawa para sa kaukulang kasong administratibo.
- Latest