Quezon City LGU, magsasagawa ng SIM assisted registration
MANILA, Philippines — Tutulong na ang Quezon City local government para mas maraming cellphone owners ang makapagparehistro ng kanilang sim card bago ang itinakdang deadline sa April 26.
Sa ipinalabas na abiso ng QC LGU, magsasagawa ang pamahalaang lungsod ng sim assisted registration sa loob ng QC Hall Compound simula sa April 24 hanggang sa mismong araw ng deadline ng SIM Registration sa April 26, 2023.
Magiging available sa loob ng QC hall compound ang registration booths ng tatlong telcos na kinabibilangan ng Globe Telecom, Smart Telecommunications at Dito Telco.
Ang proyektong ito ay hatid ng Office of the City Administrator katuwang ang nabanggit na mga telcos.
Sa pinakahuling tala ng NTC, nitong April 19 ay umaabot na sa 75.5 milyong sim card ang nairehistro o katumbas ng 44.97% ng halos 169 milyong telco subscribers sa buong bansa.
- Latest