P120 million poultry, seafood items nadiskubre ng BOC sa Navotas
MANILA, Philippines — Aabot sa P120 milyong halaga ng mga hinihinalang smuggled poultry at seafood products ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa serye ng mga pagsalakay na kanilang isinagawa sa pitong warehouses o cold storage facilities sa Navotas City noong Biyernes, Marso 17, 2023.
Sa bisa ng Letters of Authority (LOAs) na nilagdaan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, agad nagtungo ang mga operatiba ng BOC, Customs Intelligence and Investigation Service sa Manila International Container Port (CIIS-MICP), Department of Agriculture-Inspectorate and Enforcement Office (DA-IE), National Meat Inspection Service (NMIS), at Philippine Coast Guard (PCG), sa mga bodega sa Navotas City.
Pinangunahan ni CIIS-MICP chief Alvin Enciso ang BOC team sa pagsisilbi ng LOAs, kasunod ang ikinasang inspeksyon sa mga bodega.
Nadiskubre sa inspeksyon ang iba’t ibang poultry products, gaya ng frozen pork legs, chicken drumsticks, pork spareribs, squid rings, crayfish, pork ears, pork hinges, balone, brawley beef, pork aorta, chicken feet, pork riblets, golden pampano, pangasius fillet, boneless pork ham, fish tofu, at pork ears.
Karamihan sa mga frozen seafood ay mula sa China, habang mayroon ding mga beef mula sa Brazil at Australia, pork mula sa United States, at pork ears mula sa Russia.
May nadiskubre rin ang mga operatiba na mga bakanteng bodega na hinihinalang planong gawing cold storage facility para sa mga iligal na produktong karne.
Binigyang-diin naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy kung paano napatigil ng border protection ang economic impact ng mga puslit na produkto na pumapasok sa merkado sa Pilipinas.
Pansamantalang ikinandado at sinelyuhan muna ng BOC ang mga bodega habang pinasusumite ang may-ari ng mga produkto ng mga kinakailangang importation documents, at katunayan ng pagbabayad ng kaukulang buwis.
- Latest