LTFRB, bukas na para sa bagong fare matrix
MANILA, Philippines — Tumatanggap na ng request para sa bagong fare matrix ang Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFRB).
Ang fare matrix ay requirement ng LTFRB na ipapaskil sa kanilang mga sasakyan para makasingil ng bagong pasahe sa mga pampasaherong jeep, taxi, AUVs at bus.
Sa October 3 ay simula na ng pagpapatupad ng fare increase sa mga pampasaherong sasakyan kaya’t umaasa ang LTFRB na makakuha na ang mga ito ng fare matrix mula sa ahensiya.
Una nang inanunsyo ng LTFRB ang pagtaas ng pamasahe sa Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ), Modern PUJ (MPUJ), Public Utility Bus (PUB), Transport Network Vehicle Service (TNVS) at Taxi.
Ang mga requirement sa pagkuha ng fare matrix sa LTFRB ay Latest Land Transportation Office (LTO) OR/CR, Franchise Verification, kopya ng Provisional Authority para sa mga hindi pa nabibigyan ng desisyon ukol sa kanilang Certificate of Public Convenience at Official Receipt of Payment.
Ayon sa LTFRB, dapat ay agahan ang pagkuha ng fare matrix dahil ito ay naire-release ng ahensiya dalawang araw makaraang makapag-aplay para dito.
Niliwanag ng LTFRB na kakanselahin ang franchise o permit to operate kapag naningil na ng taas-pasahe pero wala pang naipapaskil na fare matrix sa loob ng pampasaherong sasakyan.
- Latest