P3 provisional increase sa pasahe sa jeep, inihirit
MANILA, Philippines — Humirit ang ilang transport group ng dagdag na P3 provisional increase sa minimum na pasahe sa pampasaherong jeep sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Kabilang na sa inihirit na P3 provisional increase ang P1 naitaas kamakailan ng LTFRB sa passenger jeepneys sa Metro Manila, Central Luzon at sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal Quezon) gayundin sa Mimaropa (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan).
Ang petisyon ay inihain sa LTFRB ng 1UTAK, Pasang-Mada, ALTODAP at ACTO.
Isinusulong din ng mga ito na gawing nationwide ang P1 provisional increase mula sa LTFRB noong Hunyo 8 para Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa at Central Luzon at ang P2 provisional increase sa lahat ng public utility jeepney (PUJs) sa buong Pilipinas.
Nakasaad sa kanilang petisyon na dahil tumaas na ang sahod ng mga manggagawa ay marapat lamang na maitaas na rin ang sapat na taas na pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Sinasabing ilang transport operators at drivers ang napilitang magtigil-pasada dahil halos lahat ng kinikita nila umano ay napupunta lamang sa pagkakarga ng gasolina.
- Latest