Mga employer na ‘di nagbabayad ng kontribusyon, hinahabol ng SSS

MANILA, Philippines — Nagsagawa ng ‘Run After Contribution Eva­ders Activity’ (RACE) activity ang Social Security System (SSS) sa iba’t ibang establisimento sa Pasig City kahapon para paalalahanan ang mga employer na hindi nagbabayad ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado.

Binigyan ng SSS ng ‘show cause order’ ang mga kompanya na contribution evader at ipinaalala na kailangang bayaran ang kontribusyon para sa kanilang mga empleyado.

Aabot sa 13 establisimento na may 2 large account sa lungsod ang target i-operate ng SSS.

Sinabi ni SSS Executive Vice President Voltaire Agas na ang manggagawa ang lubos na maaapektuhan kapag hindi nahulugan ng kanilang employer ang SSS contribution.

Ito ay dahil dito na­ka­base ang kanilang benepisyong makukuha sa SSS tulad ng pension, maternity benefits, loan, at iba pa.

Anya marami sa mga establisimento ang kinakatwiran na nakalimot sila sa paghuhulog habang ang iba naman ay nahirapan maghulog dahil sa pandemya.

Binigyan ng 15 araw ng SSS ang mga kompanya na binigyan ng show cause order at sakaling hindi nila ma-settle ang kanilang obligasyon ay sasampahan sila ng kaso.

Sa kabuan, aabot na sa 73 RACE operations ang nagawa ng SSS sa buong bansa.

 

Show comments