Taxi group, walang fare hike petition - LTFRB

Ayon kay LTFRB Executive Director Kristina Cassion  puro balita lamang sa media ang hirit na dagdag pasahe ng taxi group.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang fare hike petition na naisusumite sa ahensiya  ang mga  taxi drivers at operators para sa dagdag pasahe.

Ayon kay LTFRB Executive Director Kristina Cassion  puro balita lamang sa media ang hirit na dagdag pasahe ng taxi group.

“And iyong sa taxi po, ­medyo doon lang kami nababahala kasi they’ve been saying na, una, sinabi nila na noong March pa ay may petisyon na sila for fare hike pero tini-trace po natin sa ating mga units dito, sa Legal natin, wala naman po kaming natatanggap. And then may lumalabas na balita na maghahain pa lang daw po sila ng petisyon pero iyong sinasabi po nila ay nananawagan po sila, but until now po ay wala po tayong opisyal na natatanggap galing sa taxi operators po,” paliwanag  ni Cassion.

Binigyang diin ni Cassion na walang dahilan para kumilos sila para magtaas ng pasahe sa taxi gayung wala naman silang aaksyonang petition para sa fare hike.

Anya mahirap  gumawa ng aksyon nang wala namang petisyon.

“So, hindi naman po tayo puwedeng umaksiyon without any petitions for fare hike from the taxis kasi we are a quasi-judicial body po, so kailangan may ihain muna silang petisyon bago tayo umaksiyon sa Board natin,” pahayag ni Cassion.

Sinabi pa ni Cassion na ang hirit na dagdag pasahe sa bus ang kanilang natanggap noong nakaraang linggo at ang hirit ng Transport Network Vehicle Service na natanggap noong May 29 na kanilang binubusisi ngayon.

Una nang inaprubahan ng LTFRB ang P1 provisional fare hike sa jeep habang pinag aaralan ang jeepney fare hike petition na P5 minimum fare.

Show comments