15K benepisyaryo, hindi pa nakatanggap ng fuel subsidy

Taxis line up at a gasoline station along Aurora Boulevard in Quezon City before heading to their respective garages on the night of March 8. LTFRB reported today that it has already given P1.17B worth of fuel fuel subsidy to beneficiaries.
The STAR / Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nasa 15,000 benepisyaryo pa ang hindi pa rin nakakatanggap ng kanilang fuel subsidy.

Sa Laging Handa public briefing kahapon, sinabi ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion na ang Landbank of the Philippines ay mayroon na ngayong debit authority na nakasasakop sa mahigit 264,000 LTFRB-managed modes.

Tiniyak na rin naman umano ng Landbank sa kanila na matatanggap na rin ng mga naturang benepisyaryo ang kanilang fuel subsidy ngayong linggong ito.

“May natitira na lang daw po na sabi ng Landbank na mga 15,000 na ipapasok na rin nila within this week sa kani-kanilang accounts po,” ani Cassion.

Sinabi pa ni Cassion na ibinalik ng LTFRB sa Department of Trade and Industry (DTI) ang may 5,000 aplikasyon para sa fuel subsidy na ni-reject ng Landbank dahil sa hindi balidong accounts.

Nakikipag-ugnayan na aniya ang ahensiya sa DTI hinggil sa bagay na ito.

Samantala, para naman sa subsidiya para sa mga tricycle drivers na pinangangasiwaan ng mga local government units (LGUs), sinabi ni Cassion na binigyan na ng LTFRB ang Landbank ng debit advice para i-credit ang subsidiya sa may 68,000 benepisyaryo.

Ipinauubaya na rin aniya ng LTFRB sa susunod na administrasyon ang pamamahagi ng ikalawang tranche ng fuel subsidy.

Ang P5-bilyong fuel subsidy program ng pamahalaan, na hinati sa dalawang equal tranches, ay nagkakaloob ng tig-P6,500 cash grants sa may 377,000 beneficiaries nito.

Kabilang sa naturang beneficiaries ang mga LTFRB-supervised PUV drivers at operators, tricycle drivers at operators na nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at delivery riders na nasa ilalim ng DTI.

Show comments