Kelot kalaboso sa pangba-blackmail sa ex

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang lalaki na nagbanta sa dati nitong karelasyon na ipo-post sa social media ang mga hubad na larawan kung hindi makikipagkita sa kaniya, sa ikinasang entrapment operation sa Tondo, Maynila nitong Martes ng umaga.

Kinilala ang naaresto na si Ryan Labastida, 32, isang freelance rider, at nakatira sa Area 2 Dagat-Dagatan, Caloocan City.
Sa ulat ng Manila Police District-Moriones Police Station 2, sinabi ng biktima na pinagbabantaan umano siya ni Labastida na ikakalat ang kaniyang mga hubad na larawan sa Facebook kung hindi makikipagkita sa kaniya.

Nais umano ni Labastida na manumbalik ang dati nilang relasyon kaya siya pinipilit nito na muling magkita.  Ngunit dumiretso ang babae sa istasyon ng pulisya na nagkasa ng entrapment operation.

Nakipagkita ang babae sa suspek sa harapan ng isang shopping mall sa kanto ng Recto Avenue at Dagupan Street sa Tondo kung saan siya pinosasan ng mga pulis makaraang yakapin ang kaniyang binabalikang karelasyon.

Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong paglabag sa Grave Coercion (Article 286) ng Revised Penal Code,Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 (RA 9995), Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004 (RA 9262), at Safe Spaces Act (RA 11313) na pawang may kaugnayan R.A  10175 o ang “Cybercrime Prevention Act of 2012”.

Show comments