19 arestado sa cryptocurrency scheme
MANILA, Philippines — Dinakip sa entrapment operation ng Philippine National Police (PNP) ang 19 katao na umano’y sangkot sa illegal cryptocurrency scheme kasabay nang babala sa publiko na mag-ingat sa mga kahina-hinalang investments.
Ayon sa PNP Public Information Office (PNP-PIO) isinagawa ng PNP Cyber Response Unit, Quezon City Police District at Security and Exchange Commission (SEC) ang entrapment noong Sabado sa isang hotel sa Cubao, Quezon City.
Ang 19 na inaresto ay nasa kustodiya ng PNP Anti-Cybercrime Group, at nahaharap sa kasong paglabag Sections 8.1, 26.3, at 20.a ng Securities Regulation Code (SRC) in relation to Section 6 of Republic Act No. 10175 or the Cybercrime Prevention Act of 2012.
Bagama’t tumanggi si PNP officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao na iditalye kung magkano ang nakuha sa mga biktima, nagpaalala naman ito sa publiko na huwag magpasilaw sa malalaking interes o return of investments.
Aniya, marami ang naglipanang manloloko at nanghihikayat na maglagak ng pondo sa mga unregistered cryptocurrency platforms. Mas makabubuti aniya kung aalamin sa SEC kung ang isang korporasyon ay legal at awtorisado.
Hindi dapat magpabudol sa mga “too-good-to-be-true business” kung saan nangangako ng malalaking kita.
- Latest