ASG dawit sa kidnapping at Lamitan siege, tiklo sa NAIA
MANILA, Philippines — Isa pang miyembro ng Abu Sayyaf Group na sinasabing sangkot sa 2002 Jehovah’s Witness kidnapping at Lamitan Siege ang naaresto sa NAIA Terminal 2, sa Pasay City, ayon kay Southern Police District P/Brig. General Jimili Macaraeg nitong Huwebes (Mayo 12).
Sa pamamagitan ng tip mula sa confidential informant, naaresto ang akusadong si Omar Bin Harun, alyas Airola-Adjustable, 52, security guard at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Kasanyangan, Zamboanga City.
Siya ay nadakip ng mga tauhan ng District Intelligence Division ng SPD alas-5:00 ng hapon sa NAIA Terminal 2 sa pagbaba sa Philipppine Airlines mula sa Malaysia.
Nabatid na nakipag-ugnayan sa Bureau of Immigration, Aviation Security Group at Airport Police ang DID hawak ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Toribio Ilao ng Pasig RTC Branch 266 sa kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention laban kay Harun.
Batay sa talaan ng BID, si Harun ay kabilang sa talaan ng Terrorism Screening Center (TSC) ng Federal Bureau of Investigation (FBI), na naging dahilan upang maantala ang pagsisilbi ng warrant of arrest.
Sinabi ni Macaraeg na bukod kay Harun, naaresto din ng SPD ang tatlo pang kasamahan nitong ASG na sina Taupik Galbun, alyas Pa Wahid; Saik Galbun y Gaffar, Pa Tanda, at Dumayag Alih, alyas Abu Cola sa Taguig City noong Hulyo 2021 at Pebrero 2022.
- Latest