Maynila umorder na ng 40K piraso ng gamot vs COVID-19

MANILA, Philippines — Umorder na ng tinatayang 40,000 kapsula ng Molnupiravir, isang anti-COVD na gamot si Manila City Mayor Isko Moreno kasabay ng panawagan sa pamahalaan na tutukan ang pagbili ng nakaliligtas na gamot.

Sinabi ni Moreno na bahagi ng ‘Bilis Kilos’ ang pagbili nila ng naturang mga gamot na ikinukunsidera na isang ‘game-changing’ pagdating sa paglaban sa COVID-19.  Labis na napapababa umano nito ang pagkakataon na ma-ospital o masawi ang isang pasyente.

Ipinagmalaki niya na naunahan na naman ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang nasyunal na pamahalaan na naghihintay pa na maglabas ng emergency use authorization (EUA) ang United States Food and Drug Administration (FDA) bago mag-order nito.

Inorder ito ng lungsod ng Maynila base sa rekomendasyon ni Dr. Willie Ong na nasubaybayan ang pagiging epektibo ng gamot sa ibang bansa.

Nagkakahalaga ang naturang gamot ng P87.50 kada kapsula. Iinumin dalawang beses sa isang araw sa loob ng limang araw para sa mga pasyente ng COVID-19 na may mild at moderate na mga sintomas.  Gagamitin ang gamot sa pitong ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Bukod sa naturang gamot, nanawagan din si Moreno sa pamahalaan na iprayoridad rin ang pagbili ng gamot na Remdesivir na gamit sa mga pasyenteng may ‘moderate-severe COVID-19’ at Tocilizumab na gamit naman sa mga kritikal nang pasyente.

Show comments