Pulis huli sa ‘kotong’

MANILA, Philippines — Isang pulis ng  Quezon City Police District (QCPD) ang dinakip sa isang entrapment operation matapos kaugnay sa pagkakasangkot sa robbery-extortion activities.

Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, naaresto ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG)  si P/Cpl. Myrldon Linga Yagi, ng QCPD Station 14, sa loob ng  Brgy. Hall  Annex sa San Simon St. Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Nag-ugat  ang pag-aresto kay Yagi  sa reklamong inihain ng isang  fruit vendor sa  Brgy. Pasong Tamo.

Batay sa report, agad na pinosasan si Yagi ng kanyang mga kabaro nang tanggapin ang P2,000 mula sa biktima. Proteksiyon umano ito upang hindi magiba  ang kanyang  fruit stand.

Maliban sa extortion, pinagbantaan din umano ni Yagi ang tindero sa pamamagitan ng service pistol na dala nito.

Nakuha kay Yagi ang marked cash na ginamit sa entrapment, 9mm pistol, dalawang magazine, PNP identification card at P1,625 na cash.

Pinatututukan din ni Eleazar ang  aktibidad ni  Yagi sa posibilidad na may galamay  pa ito na  umiikot sa  kanyang nasasakupan.

Show comments