Top 1 most wanted sa Maynila, timbog!

MANILA, Philippines — Nadakip ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG)-Manila at Manila Police District-Warrant and Subpoena Section ang Top 1 Most Wanted sa Sta. Ana, Maynila na pinaghahanap dahil sa kasong pagpatay sa ikinasang operasyon sa kaniyang pinagtataguan sa Baliuag, Bulacan nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ni PMajor Delta Navarra, hepe ng CIDG-Manila ang suspek na si Jhonny Martinez, 34, binata, miyembro ng Bahala na Gang, at residente ng No. 2046 F. Batangas Line, San Andres Bukid, Maynila.

Sa ulat, natukoy ng CIDG-Manila ang kinaroroonan ng suspek sa Dulong Bayan 1st, Brgy. Sulivan, Baliuag, Bulacan dahilan para magkasa ng operasyon katuwang ang MPD-WSS at sa koordinas­yon sa Baliuag Police Station nitong Lunes ng gabi.

Armado ng arrest warrant na inisyu ni Judge Thelma Bunyi-Medina, Presiding Judge Manila Regional Trial Court Branch 32 sa kasong Murder at Attempted Murder. Hindi na nakapalag ang suspek nang palibutan ng mga pulis ang pinagtataguan niyang bahay.

Sa rekord ng pulisya, binaril at napatay ng tatlong suspek kabilang si Martinez ang biktimang si Jasper Nico Jalarilla noong Marso 18, 2012 sa San Andres Bukid.
Matapos mapatay ang biktima, binalikan ng mga suspek ang kinakasama ni Jalarilla na si Ana Rolyne Mercado na binaril din ngunit masuwerteng hindi tinamaan ng bala at nagawang makaligtas.
Nakaditine ngayon si Martinez sa CIDG-Manila Detention Center habang hinihintay ang utos ng korte sa paglilipat sa kaniya sa angkop na bilangguan habang ibinalik na ang warrant sa korte.

Show comments