Libu-libo sa Dolomite Beach, paglabag sa IATF protocols

Crowds gather as families spend quality time while waiting for the famous Manila Bay sunset at the Manila Dolomite Beach during its 2nd day opening on October 17, 2021.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa ahensyang namamahala sa Manila Bay Dolomite Beach na tiyakin na nasusunod ang protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) makaraang tinatayang libu-libong katao ang dumagsa dito noong nakaraang Linggo.

“Ang ating mga ahensya may responsibilidad kayo to prevent these mass gatherings kasi kung ganito lang po ang mangyayari sa’tin babalik po tayo sa dating paghihigpit at ayaw po natin lahat ‘yan,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa DOH, ang pagsisiksikan ng mga tao sa Dolomite Beach ay paglabag sa alituntunin na itinakda ng IATF partikular ang pagpapanatili ng ‘physical distancing’ at ang 50% kapasidad sa ilalim ng Alert Level 3.

“I call on all our national agencies, whatever was discussed in IATF, whatever safety protocols we’re now implementing this is for the good of our population. Kailangan ipatupad po natin ‘yun,” giit ni Vergeire.

Ang Manila Bay Coordinating Office (MBCO) na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang namamahala sa dolomite beach.  Nasa pamamahala ito ni deputy executive director Jacob Meimban Jr.

“Kung nakikita nating hindi kaya katulad ng sinasabi ng official masyadong marami hindi kaya ipatupad, let’s regulate that. Baguhin po natin siguro ang proseso pero kailangan po makatulong po namin kayong lahat para mapigilan ang pagtaas ng kaso dito sa NCR and even other parts of the country,” dagdag pa ni Vergeire.

Para sa publiko, muling nanawagan ang DOH na iwasan ang pagsisiksikan at sumunod sa minimum health standards.  Bukod sa mga adult na indibiduwal, marami rin sa mga nagtungo sa Dolomite Beach ang nagsama pa ng mga bata.

Show comments