3,000 pamilya apektado ng ‘granular lockdown’
MANILA, Philippines — Nasa 3,093 pamilya ang apektado ng ipinatutupad na ‘granular lockdowns’ sa iba’t -ibang bahagi ng Metro Manila, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos.
“Ang ginawa po natin sa granular lockdowns ay talagang hinimay-himay po natin iyon lamang talagang nagkakaimpeksyon na lugar,” pahayag pa ni Abalos.
Kasama sa mga isinailalim sa lockdowns ay siyam na mga kalsada, tatlong gusali, 101 condominium units, at 48 compounds. Wala namang isang buong barangay ang isinailalim sa lockdown.
Pangunahing problemang kinakaharap ng mga lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng lockdown ay ang pagiging sapat ng ‘food packs’ na ibinibigay sa bawat pamilya.
Matatandaan na hindi na ibinigay ang opsyon na tulong pinansyal ang ibigay sa mga pamilya at tanging mga food packs na lamang upang hindi na sila lumabas pa ng tinutuluyan para mamili ng kanilang pangangailangan.
Nakatakdang magtapos naman ang Alert level 4 sa Metro Manila sa Setyembre 30 kung kailan inaasahan na posibleng mapalawig ito o kaya naman ay palitan ng ibang uri ng alert level.
- Latest