Mas mahabang curfew, ipapatupad sa Metro Manila sa ECQ
Mula 8pm hanggang 4am
MANILA, Philippines — Mas mahaba pang curfew hours ang paiiralin simula sa Biyernes, Agosto 6, sa pagsisimula ng enhanced community quarantine (ECQ), ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos .
Sinabi ni Abalos na napagkasunduan ng Metro Manila mayors na ipatupad ang uniform curfew simula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Noong Hunyo 15, 2021 ay una nang pinaikli ang curfew mula na simula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw ang ipinatutupad na curfew at sa pagsisimula.
Sa kasalukuyan naman ay nasa ilalim pa ng general community quarantine “with heightened and additional restrictions” hanggang sa Agosto 5, 2021.
Kasunod na nito ang ECQ na sisimulan sa Agosto 6 hanggang Agosto 20, dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at banta ng mabilis na pagkalat ng Delta variant.
Samantala, walo sa 17 lokal na pamahalaan sa NCR ang nakatakdang magpatupad ng liquor ban sa dalawang linggong pagsasailalim sa enhanced community quarantine.
Ayon kay Abalos, simula rin sa Biyernes ay ipagbabawal na ang pagbili, pagbebenta at pag-inom ng alak sa Valenzuela, Paranaque, Pasay, Navotas, Pateros, Mandaluyong, Quezon City at San Juan.
Nasa pagpapasiya na kasi ng mga alkalde kung magpapatupad o hindi ng liquor ban. Aniya, halos magkasama o kakambal na ng curfew policy ang liquor ban.
Hindi naman aniya, plano na magpatupad ng liquor ban ang Makati, Taguig, Pasig, at Las Piñas. —Malou Escudero
- Latest