73-anyos na lola, nasagip sa gumuho niyang bahay
MANILA, Philippines — Nasagip ng mga awtoridad mula sa kanyang gumuhong bahay ang isang 73-anyos na lola sa Brgy. Mauway, Mandaluyong City, kamakalawa ng hapon.
Bagama’t nasugatan ay nasa maayos nang kondisyon ang biktimang nakila-lang si Lola Corazon Dionisio, na residente ng Block 5, sa naturang barangay.
Lumilitaw sa ulat ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection (BFP) na dakong alas-3:43 ng hapon nang bigla na lang gumuho ang apat na palapag na tahanan ni Dionisio na may kalumaan na at gawa lamang umano sa light materials.
Naguhuan naman ng tahanan si Dionisio kaya’t kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng BFP at Mauway Special Rescue Force.
Matagumpay naman nilang nailigtas ang lola at kaagad na dinala sa pagamutan upang malapatan ng lunas.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pagguho ng bahay gayundin ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.
- Latest