2 convenience store sa Valenzuela ipinasara
Hindi ipinatutupad ang QR code contact tracing system
MANILA, Philippines — Dahil sa hindi pagpapatupad ng QR code contact tracing system, ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang dalawang convenience store sa lungsod kahapon.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, maliban sa hindi paggamit ng ValTrace na QR code contact tracing system ng lungsod, hindi rin anya sumusunod sa health protocols ang dalawang covenience store na nasa Bagbaguin at Paso de Blas.
Maliban sa suspension ng business permit, pinagmumulta rin ang mga establisimento ng P5,000.
Paliwanag pa ni Gatchalian, ilang beses na nilang binigyan ng babala ang nasabing mga convenience store ngunit hindi pa rin sumunod ang mga ito.
Aniya, isa lamang ang QR code sa mga paraan upang labanan ang pagkalat ng COVID- 19.
Matatandaang Oktubre ng nakaraang taon ng ilunsad ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang “No QR code, No Entry” policy kung saan kailangan gamitin ng mga residente ang QR code mula sa ValTrace app bago makapasok sa mga establisimento.
- Latest