3 bagong sewage treatment plant ng Maynilad target makumpleto ngayong 2021
MANILA, Philippines — Target ng West Zone concessionaire Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) na makumpleto ngayong 2021 ang kanilang itinatayong tatlong bagong Sewage Treatment Plants (STPs) na magkakaloob ng sewerage service sa may halos 700,000 residente ng Muntinlupa at Valenzuela.
Ang STPs ay kasalukuyang itinatayo sa Barangays Cupang at Tunasan sa Muntinlupa at sa Barangay Marulas sa Valenzuela.
Kaya nitong mag-treat ng hanggang 126,000 cubic meters ng wastewater kada araw at makakatulong na mabawasan ang polusyon sa Manila Bay.
Naglaan ang Manuel V. Pangilinan-led water company ng may P7.15 Billion para sa tatlong bagong STPs at conveyance systems na magdaragdag sa 22 Maynilad wastewater facilities na kasalukuyang operational at nagsisilbi sa West Zone customers.
“We are glad that these new STPs and conveyance systems are finally nearing completion. While pandemic-related constraints continue to hinder our manpower deployment, we will strive to get these new facilities running and serving communities within the year,” pahayag ni Maynilad President and CEO Ramoncito S. Fernandez.
Mula sa dalawa lamang na operational STPs noong 1997, ngayon ang Maynilad ay may 22 wastewater facilities na may combined treatment capacity na 664,000 cubic meters kada araw matapos maglaan dito ng P 42 billion sa wastewater projects.
- Latest