Vico Sotto, kinilala ng US bilang ‘International Anticorruption Champion’
MANILA, Philippines — Nakabilang si Pasig City Mayor Vico Sotto sa listahan ng 12 indibiduwal na kinilala bilang ‘International Anticorruption Champions’ mula sa iba’t ibang panig ng mundo ng administrasyon ni US Pres. Joe Biden.
Sa naturang inilabas na report na may titulong “Recognizing Anticorruption Champions Around the World,” inilarawan pa ng Biden Administration si Sotto bilang ‘standard-bearer’ ng bagong henerasyon ng mga pulitiko sa Pilipinas na nakasentro sa anti-corruption at transparency.
Inilahad din nito kung paanong tinalo ng 29-anyos na si Sotto, na noon ay konsehal pa lamang, sa halalan ang incumbent mayor sa Pasig, na ang pamilya ay may 27 taon nang namumuno sa lungsod.
Kinilala rin nito ang paglaban ni Sotto sa korapsyon at paninigurong walang kickbacks sa pag-a-award nito ng mga kontrata.
“Victor Sotto, Mayor of Pasig, The Philippines, is a standard-bearer for a new generation of Philippine politicians who prioritize anticorruption and transparency initiatives in their election campaigns and in office,” anang US State Department.
Ayon kay US Secretary of State Antony Blinken, ang International Anticorruption Champions Award ay inilunsad para kilalanin ang mga indibiduwal sa mundo na nagpakita ng leadership at tapang, at nagkaroon ng impact sa paglaban at paglantad sa korapsyon.
- Latest