Business permit ng NLEX posibleng suspendihin uli ng Valenzuela LGU
MANILA, Philippines — Posibleng muling bawiin ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang business permit ng NLEX Corporation sa matapos lumabag sa kasunduan.
“NLEX Corporation, I think somebody is violating the terms of the conditional lifting of suspension of business permit,” ayon sa Facebook post ng alkalde.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, may problema at isyu na hindi sinolusyunan ang NLEX na dapat ay Enero 30 pa.
Aniya, may mga tweet na matagal pumasok ang load sa EasyTrip. Isang motorista ang nagreklamo na hindi pa rin pumapasok ang P500 load nito sa EasyTrip account.
Ngunit ayon sa ilang netizen, ang mga reloading channel na ang may problema. Dapat makipag-ugnayan ang NLEX sa mga reloading channel nito sa naaantalang pagpasok ng load.
Una nang sinuspinde ng lungsod ang business permit ng NLEX nitong Disyembre dahil sa mabigat na trapik na dulot ng mga aberya sa RFID system.
Nagbabala naman ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela sa NLEX na maaaring magsuspinde “without any further notice or issuance” kung hindi tutupad sa napagkasunduan.
- Latest