^

Metro

Sellers ng bogus na COVID-19 vaccine, arestuhin

Mer Layson - Pilipino Star Ngayon

DILG SA PNP

MANILA, Philippines — Ipinaaaresto ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) ang mga taong nagbebenta o nagtuturok sa publiko ng mga pekeng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang kautusan ay kasunod nang ginawang babala ka­makailan ni Pasig Vice Mayor Vico Sotto sa publiko na huwag bumili ng mga pekeng bakuna, na ibinebenta na aniya ngayon online.

Sa isang kalatas, sinabi ni DILG officer-in-charge at Undersecretary Bernardo Florece Jr. na nakatanggap na rin sila ng ulat na may mga tao nang nagsasamantala sa pan­demya ng COVID-19 at nagbebenta ng pekeng bakuna sa merkado kaya’t ipinatutugis na ang mga ito sa PNP.

“Some people are taking advantage of the pandemic to make money by selling fake vaccines,” ani Florece.

“I am directing the PNP to arrest these criminals and ensure that these bogus vaccines are taken off the market,” aniya pa.

Dagdag pa ni Florece, dapat ding i-monitor ng PNP Aviation Security Group, Maritime Group, at iba pa ang paliparan at mga daungan upang maiwasang maipasok sa bansa ang mga pekeng bakuna.

Dapat din aniyang maki­pagtulungan ang mga local government units (LGUs) sa mga pulis hinggil sa naturang isyu.

“Huwag po kayong magpapaloko. Tanging sa pamahalaan lamang po daraan ang mga lehitimong bakuna at maliban dito ay ireport ninyo po ang mga nagbebenta at nagtuturok ng mga pekeng COVID-19 vaccines,” ayon pa kay Florece.

Nauna rito, sa isang Twitter post, nagpaskil si Sotto ng larawan ng mga pekeng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines, na ipinagbibili aniya online.

Pinayuhan rin niya ang publiko na mag-ingat at huwag bumili ng mga naturang pekeng bakuna.

“Beware! ‘Wag bumili sa mga ganito! Picture pa lang kita nang mali ang handling. Maglolokohan lang kayo niyan. Dapat dumaan sa nasyonal na pamahalaan ang pagbili ng kahit anong bakuna,” ani Sotto.

vuukle comment

PNP

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with