10 inoculation sites, tukoy na ng Quezon City government
MANILA, Philippines — May 10 lokasyon nang natukoy ang Quezon City government na maaaring gamitin bilang inoculation sites o lugar kung saan isasagawa ang pagbabakuna sa mga residente.
“Pinili natin ang mga lugar na ito para madaling puntahan ng mga residente ng anim na distrito ng ating siyudad,” ayon kay QC Mayor Joy Belmonte.
“Nagsimula na tayong magtalaga ng vaccination sites para handa na tayo oras na dumating ang bakuna. We have to plan ahead to assure our people that we are doing everything to make these vaccines available as soon as possible,” aniya pa.
Kabilang sa napiling vaccination sites ay ang Project 6 Tennis Court sa District 1, Batasan Hills National High School at NGC Covered Court sa District 2 at Aguinaldo Elementary School sa District 3.
Kasama rin ang Doña Josefa Jara Martinez High School at Diosdado Macapagal Elementary School sa District 4, Kaligayahan Activity Center at Fairview Covered Court sa District 5, at Emilio Jacinto Elementary School at Culiat High School sa District 6.
Ayon kay Mayor Belmonte, target ng city government na makapag-establisa ng 24 sites, bilang karagdagan sa tatlong city-run hospitals, na kinabibilangan ng QC General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital at Novaliches District Hospital.
- Latest