Iba pang ruta para sa MPUJ at UV Express, binuksan ng LTFRB
MANILA, Philippines — Maaari nang bumiyahe simula bukas, Disyembre 21, ang karagdagan pang 15 Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) at 15 UV Express Units sa Kalakhang Maynila, dahil sa nakatakdang pagbubukas ng ruta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa kanila.
Batay sa Memorandum Circular (MC) 2020-083 na ipinasa ng LTFRB nitong Miyerkules, Disyembre 16, nabatid na ang magiging ruta ng mga MPUJ ay ang Rodriguez Sub-urban-SM North EDSA habang ang rutang bubuksan naman para sa UV Express ay ang San Rafael - Cubao, Quezon City.
Ayon sa LTFRB, ang mga roadworthy Public Utility Vehicles (PUVs) ay maaaring bumiyahe kung sila ay may balido at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity.
Ang bawat unit sa ruta na kasama sa MC ay dapat din anilang rehistrado sa Personal Passenger Insurance Policy.
Kapalit naman ng Special Permit (SP), mayroong QR Code na ipagkakaloob sa bawat operator na dapat na ilagay sa short bond paper at ipaskil sa loob ng PUV.
Kaugnay nito, mahigpit naman ang paalala ng ahensiya na walang pagtataas ng pasahe na maaaring ipatupad sa mga naturang UV Express at PUV, maliban na lang kung ipag-uutos ito ng LTFRB.
- Latest