Curfew sa Quezon City, pinaigsi simula Disyembre 16
Para sa Simbang Gabi
MANILA, Philippines — Simula sa Disyembre 16 ay mas maikli na ang curfew hours sa Quezon City o magiging mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-3:00 ng madaling araw.
Ito’y upang bigyang-daan ang pagdaraos ng tradisyunal na Simbang Gabi o Misa de Gallo para sa Pasko, na sisimulan sa naturang petsa.
Kasabay nito, mahigpit din ang paalala ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga residente na sa pagdalo nila sa Simbang Gabi, ay tiyaking tumatalima sila sa ipinatutupad na health and safety protocols upang maiwasan ang posibleng hawahan ng COVID-19.
“Bahagi na ng pagdiriwang ng kapaskuhan at ng ating kultura ang Simbang Gabi kaya kahit may pandemya, nais nating panatilihing buhay ang diwa nito,” anang alkalde.
“Hindi natin dapat kalimutan na mayroon pa ring pandemya at kailangan tayong mag-ingat upang maiwasan ang pagkalat ng virus,” paalala pa niya.
Kabilang na rito ang pagsusuot ng face mask at face shield, pagtiyak ng physical distancing at paghuhugas ng kamay. Dapat ding 30 porsiyento lamang ng kapasidad ng simbahan ang payagang makadalo sa bawat misa sa Simbang Gabi.
Mahigpit din namang ipinag-utos ng alkalde ang pagbabawal sa pa-ngangaroling at hinikayat ang bawat pamilya na limitahan ang Christmas at New Year celebrations sa kanilang mga imme-diate family lamang.
Tanging ang mga nasa edad 18-anyos hanggang 65-anyos lamang din ang pinapayagang lumabas ng tahanan, alinsunod sa panuntunan ng IATF, ngunit dapat na magdala sila ng company ID, school ID at iba pang government-issued ID.
Ang mga taong hindi sakop ng naturang age bracket, ay maaari lamang lumabas kung bibili ng kanilang pangunahing pangangailangan o di kaya ay para sa kanilang essential needs, tulad ng medical o dental appointments. Ang mga menor-de-edad, na lalabas ng bahay, ay dapat may kasamang magulang o guardian.
Para sa fireworks display, sinabi ng city government na papayagan lamang ito sa mga designated locations gaya ng Quezon Memorial Circle at Eastwood.
- Latest