Higit 20K parak bantay-sementeryo sa loob ng 7 araw
MANILA, Philippines — Mahigit sa 20,000 pulis ang itatalaga sa mga sementeryo, memorial parks at columbarium sa loob ng pitong araw para matiyak na walang papasok alinsunod na rin sa ipinatutupad na kautusan.
Ayon ito kay P/Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, commander ng JTF COVID Shield kasabay nang pagsasabing, simula kahapon ay bantay-sarado na sa entrance pa lamang ng mga sementeryo, memorial parks at columbarium sa mga pulis upang matiyak na walang lulusot na dadalaw.
Nagsimula kahapon ang pagbabawal na tatagal hanggang sa Nobyembre 4.
“We also have a total of 26,478 force multipliers who will assist our personnel. These force multipliers are mostly barangay tanods and the personnel of the city and municipal Public Order and Safety,” ani Eleazar.
Giit ni Eleazar, may mga indibiduwal na magpipilit na makapunta sa puntod ng kanilang mahal sa buhay sa November 1 at November 2 na kaila-ngan na mapigilan.
Paliwanag ni Eleazar, nagkaroon naman ng petsa ng pagdalaw sa mga puntod kaya kailangan na lamang ng kooperasyon ng publiko sa ipinatutupad na kautusan.
Gayunman, maaari na muling magtungo sa puntod simula Nobyembre 5 hanggang 15 dahil minomonitor pa rin ang sitwasyon na dala ng COVID-19.
- Latest