‘Itaob ninyo ang buong Maynila’-Yorme
Mahuli lang ang mga holdaper na pumatay ng pulis
MANILA, Philippines — “Itaob ninyo ang buong Maynila… ang buong bansa.. halughugin ninyo, bigyan n’yo ng hustisya ang pulis na kinarne lang ng mga kriminal.”
Ito ang ma-emosyong panawagan ni Moreno kasabay sa idinaos na flag raising ceremony kahapon, kaugnay sa pagpatay sa miyembro ng Manila Police District-Station 11 na si P/Executive Master Sgt. Roel Candido, na nakatalagang chief clerk ng Meisic Police Station at residente ng Tondo, Maynila.
Si Candido, 53, ay napatay ng tatlong holdaper sa naganap na holdap sa F. Torres St., Binondo, Maynila, alas-5:40 ng hapon noong Sabado, kung saan sugatan naman ang biktimang dealer ng alahas, driver at staff.
Dumalo sa flag raising si MPD Director P/Brig. General Rolando Miranda na nakarinig din sa tinuran ni Moreno na ‘a policeman killer never grows old.’
“I want justice…swift justice. How I wish wala isa sa inyo doon. Patawarin nawa tayo ng Diyos,” ani Moreno.
Kasunod nito, agad namang bumuo ng 12-man team si Miranda na tututok sa pagkalap ng mga ebidensiya at pagdakip sa apat na subject ng manhunt operations.
Ani Miranda, malaking sindikato ang nasa likod ng robbery holdup na ang estilo ay pareho lamang ng mga naganap na robbery holdup at pagpatay na naganap kamakailan sa Pasay City at Quezon City.
- Latest