Cashless at contactless toll collection, simula na sa Nobyembre 2
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng isang opisyal ng Toll Regulatory Board (TRB) na target nilang masimulan sa Nobyembre ang paggamit ng cashless at contactless toll collection sa mga expressways sa Luzon.
Ayon kay TRB Executive Director Abe Sales, batay sa Department Order 2020-012 na inisyu ng Department of Transportation (DOTr), inaatasan silang tiyakin na magiging epektibo na ang cashless at contactless toll collection sa Luzon sa Nobyembre 2.
“Yun pong department order na inisyu, ang start po n’yan November 2. ‘Yun po ang direktiba sa amin, that’s why we have to ensure na by November 2 ‘yung transaction ng toll collection sa mga expressway through electronic toll na lang o ‘yung tinatawag na RFID,” ani ni Sales.
Nabatid na alinsunod sa naturang department order, inaatasan ang mga concerned agencies na bumuo ng mga bagong proseso at pamamaraan sa loob ng tatlong buwan upang tiyaking maayos na maipatutupad ang cashless at contactless toll collection upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang TRB ang inatasan ng DOTr na lumikha ng rules and regulations para sa concessionaires at operators ng toll expressways para sa paglipat nila sa electronic toll collection systems, habang ang Land Transportation Office (LTO) naman ang inatasang mag-aral sa mga pamamaraan para mapahintulutan ang full cashless at contactless system.
Samantala, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) naman ang magmo-monitor kung tumatalima ang mga public utility vehicles (PUVs) sa mandatory cashless systems.
- Latest