3 online seller na bebot, timbog
MANILA, Philippines — Timbog ang tatlong babae na nagbebenta ng mga peke at mamahaling bag na Louis Vuitton at Chanel sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) District Director P/Brig General Ronnie Montejo ang mga nadakip na sina Precious Mcmurray, 27, ng Malanday, Marikina City; Dina Rodriguez, 52, ng Tandang Sora, QC, at Rachel Leyba, 34, ng West Fairview, QC.
Ayon kay Fairview Police Station 5 Commander P/Lt.Col Melchor Rosales, dakong alas-10:45 ng gabi nang isagawa ang operasyon laban sa mga suspek sa Pontiac St. cor Camaro St. sa Brgy. Greater Fairview, sa lungsod.
Lumalabas na ang modus operandi ng mga suspek ay i-post sa social media ang ibinibenta na orihinal na Louis Vuitton at iba pang mga mamahaling bag.
Sa oras na may kumagat na kostumer makikipagkita ang mga suspek sa kanilang buyer subalit ang kanilang ibibigay ay ang pekeng bag at hindi ang naka-post na original.
Nakapiit na ang mga suspek at nahaharap sa kasong swindling at estafa.
- Latest