Angkas magbibigay ng libreng sakay, shields sa frontliners
MANILA, Philippines — Magbibigay ng libreng sakay ang motorcycle taxi app na Angkas sa mga medical frontliner na nahihirapang sumakay ngayong umiiral ulit ang modified enhanced community quarantine sa Metro Manila.
Nabatid na nasa 1,000 Angkas riders ang ide-deploy sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila para maghatid-sundo sa mga frontliner.
Sinabi ni Angkas chief transport advocate George Royeca, sumailalim na sa orientation ang mga rider at planong simulan ang kanilang deployment ngayong Sabado.
Inihayag naman ni Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. Gen Guillermo Eleazar, na kabilang sa mga pagamutan na tatambayan ng mga rider ay ang Philippine General Hospital, San Lazaro Hospital, Ospital ng Sampaloc sa Maynila; East Avenue Medical Center sa Quezon City at Tala Hospital sa Caloocan City.
Ide-deploy rin ang mga ito sa National Kidney Institute, Quezon City General Hospital, Lung Center of the Philippines, Quirino Memorial Medical Center, Ospital ng Maynila at Fabella Hospital.
Bukod dito, para naman makasunod sa ipinaiiral na health protocol, nagkaloob din ang Angkas ng 1,000 motorcycle barriers na ipapamahagi ng PNP sa mga piling medical frontliner na may mga motorsiklo at sa mga driver na naghahatid-sundo ng mga kamag-anak o kaibigang medical frontliner.
Ito ay matapos na muling suspendihin ang operasyon ng public transport sa umiiral na modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at apat na karatig lalawigan.
- Latest