Traffic enforcer huli sa kotong
MANILA, Philippines — Arestado ang isang 55-anyos na traffic enforcer nang tanggapin ang P500 hiningi niya sa isang motorcycle rider na kinumpiska-han ng lisensiya, sa may Ayala Avenue Extension, Brgy. San Antonio, Makati City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Fidelito Atienza, tauhan ng Public Safety Department ng Makati City Government o dating MAPSA.
Sa ulat ni Makati Police P/Major Tyrone Valenzona, dakong alas-12:00 ng hapon ng Hulyo 30 nang arestuhin sa entrapment operation ang suspek sa nasabing lugar sa aktong hawak nito ang ibinigay na pera ng complainant na si Eduardo Aquino, 40.
Ayon sa reklamo, alas-11:00 ng umaga ng araw ding iyon nang magtungo sa Makati City Police Station si Aquino matapos umanong kumpiskahin ang kanyang driver’s license ng suspek at nanghihingi ng P500 para hindi siya maisyuhan ng violation ticket at maibalik ang lisensiya.
Binabagtas umano ng biktima ang kahabaan ng Ayala Avenue, sa bahagi ng Brgy. San Antonio, Makati City, nang pahintuin siya ng suspek at kunin ang lisensiya at sinabihan umano na magbigay na lang upang makaiwas sa violation.
- Latest