Malawakang imbestigasyon sa pag-ambush sa piskal sa Maynila, iniutos ni Mayor Isko
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno sa Manila Police District (MPD) ang malawakang imbestigasyon para maresolba at mabigyan ng hustisya ang karumal-dumal na pagpaslang kay Senior Assis-tant City Prosecutor Jovencio Senados.
Kasabay ito ng pagkon-dena ng alkalde sa naturang pamamaslang na sinabi niyang pag-atake rin sa pamahalaan na kaniyang kinabibilangan at banta sa kaligtasan ng mga mamamayan ng Maynila na dumaranas na rin ng pangamba dahil sa pandemya.
Sa direktiba ni Moreno kay MPD Director BGen Rolando Miranda, sinabi nitong kailangang matutukan ang agarang pagresolba sa kaso na kung hindi magagawa ay magbibigay ng maling mensahe sa mga miyembro ng hudikatura. Idinagdag pa ng alkalde na hindi lamang si Senados ang prosecutor na napaslang kundi maraming iba pa.
“The brazenness with which the murder was carried out shows that the perpetrators have no respect whatsoever to the institutions in place and this should not go unpunished,” ayon kay Moreno.
Sinabi naman ni Miranda na isang grupo na ang kaniyang binuo para tumutok sa pagresolba sa kaso. Kabilang sa mga impormasyong nakarating sa kanila ang sinabi ng driver ni Senados na napansin na niya na sinusundan sila ng mga salarin sa Skyway mula sa Calamba, Laguna. Dito naniniwala si Miranda na masusing pinag-aralan ng mga salarin ang kilos ni Senados.
Nabatid rin na ang plate number ng itim na Mitsubishi Montero ng mga salarin ay nakarehistro sa ibang sasakyan.
Ang isa sa kontrobersyal na kaso na hinawakan ni Senados ay ang pagpaslang kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III sa Sampaloc, Maynila nitong 2019.
- Latest