P9-M halaga ng ecstasy mula UK nasabat sa Pasay
MANILA, Philippines — Bistado ang tangkang pagpapasok ng milyun-milyong halaga ng iligal na droga sa Lungsod ng Pasay matapos mahadlangan ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC), ayon sa isang ulat na inilabas ng gobyerno, Lunes.
Aabot sa 5,205 pirasong tableta ang nasamsam ng bureau sa pamamagitan ng Port of NAIA matapos matagpuan sa isang warehouse.
Tinatayang may street value na P9 milyon ang mga nabanggit, bagay na ipinaubaya na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa karagdagang imbestigasyon.
Kilala bilang "party drug," matatandaang iniuugnay sa ecstasy ang pagkamatay ng limang kabataan matapos gumamit nito sa isang concert noong Mayo 2016.
Sinasabing isinilid ang mga kontrabando sa loob ng isang paper shredder, na ipinasok ng bansa mula sa United Kingdom. Aniya, naka-consign ito sa isang indibidwal mula sa Lungsod ng Pasig.
"Nadiskubre ng kawani ng customs ang mga itinagong tableta habang nagsasagawa ng customs document check and physical examination ng package, matapos mapansin ang ilang inconsistency sa detalye," sabi ng ahensya sa isang pahayag, Inggles.
Kakasuhan naman ang 'di pinangalanang consignee kaugnay ng paglabag sa Section 1401 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Una nang sinabi ng Philippine National Police na patuloy na magiging mabagsik ang anti-drug operations ng gobyerno kahit na nasa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic ang bansa.
"Kahit may krisis pangkalusugan, walang humpay pa rin ang mga anti-illegal drug operations ng pulisiya," sabi ni Police Gen. Archie Gamboa, hepe ng PNP.
Naharang ang nasabing shipment sa gitna nang inilulunsad na madugong kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra iligal na droga.
- Latest