Kaso vs Sinas, tuloy- IAS chief
Kahit dinepensahan ni Duterte
MANILA, Philippines — Tiniyak ni PNP-Internal Affairs Service Inspector General Atty. Alfegar Triambulo na tuloy ang kasong administratibo at kriminal laban kay NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas bagamat ipinagtanggol ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang kontrobersiyal na birthday celebration.
Ayon kay Triambulo, wala siyang nakikitang implikasyon sa komento ng Pangulo sa reklamo na kinahaharap ngayon ni Sinas.
“Wala naman… ‘yung sa criminal, tutuloy naman ‘yun eh, ewan ko sa piskal kung ano ang nangyari, malaman din natin sa piskal… Kasi sabi niya, kung the law is the law eh ‘di tuloy ‘yung mga kaso pero siguro for the meantime… puwede ka namang manatili diyan hanggang walang conviction,” ani Triambulo .
Paliwanag ni Triambulo, wala namang sinabi si Pangulong Duterte na huwag kasuhan. Sinabi pa aniya ng Pangulo na ‘the law is the law’. Bagamat mananatili ito sa kanyang puwesto maaari pa ring patawan ng penalty.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na maganda ang performance at istrikto si Sinas kaya dapat na manatili bilang NCRPO chief.
“Gumugulong pa ‘yung mga kaso kasi may mga presumption of innocence ‘yan kaya siguro ganyan,” ani Triambulo.
Sinabi rin ni Triambulo na maaaring hindi pa nakita ng Pangulo ang investigation report na ipinadala ng IAS sa opisina ni Executive Secretary Salvador Medialdea no-ong nakaraang Lunes.
- Latest