Mas matindi pa at matagal na trapik, asahan sa 5 malalaking road repairs
MANILA, Philippines — Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na umiwas sa mga kalsada dahil sa ikakasang limang pinakamalalaking road repairs na tatagal ng maraming araw.
Nag-uumpisa ang road reblocking alas-11 noog Miyerkules ng gabi hanggang Enero 31 upang bigyang daan ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kabilang sa mga proyekto ang rehabilitasyon ng C5 Ortigas Flyover. Tatagal ang proyekto ng 180 araw at mag-uumpisa mula Enero 31 hanggang Hulyo 28.
Isasara naman ng pitong araw ang EDSA North Bound malapit sa Taft Avenue, Pasay City na nagsimula kahapon (Enero 29) hanggang Pebrero 4 tuwing alas-11 hanggang alas-5 ng madaling araw. Gagamitin ang isang lane ng kalsada para sa delivery ng mga mater-yales at ‘concrete pouring’.
Pitong araw din isasara ang EDSA South bound sa tapat ng AMA Towers Residences sa Mandaluyong City simula kahapon (Enero 29) hanggang Pebrero 4, alas-7 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga para bigyang daan ang pagkakalas sa ‘steel safety canopies.’
Tatagal naman ng 270 araw ang proyekto ng rehabilitasyon ng Oroquieta Street kabilang ang drainage sa may Sampaloc, Maynila. Mag-uumpisa ang road reblocking mula Enero 31 hanggang Oktubre 26.
Kukumpunihin din ang R. Magsaysay Blvd. at R. Magsaysay Service Road kabilang ang drainage sa Quezon City na tatagal ng 150 araw mula Enero 29 hanggang Hunyo 26.
- Latest