Protocol sa ASF, ipatutupad ni Mayor Joy Belmonte sa Quezon City
MANILA, Philippines — Magpapatupad ng sariling protocol ang Quezon City government hinggil sa pag-inspeksiyon sa kaso ng African Swine Fever sa lungsod.
Ito ang inanunsiyo kahapon ni Mayor Joy Belmonte sa ipinatawag na press conference makaraang pulungin nito ang mga may-ari at opisyales ng mga supermarket sa lungsod para pagtulungang maresolba ang usapin sa ASF.
Ang pulong ay naipatawag ni Belmonte nang madiskubre ng mga tauhan ng QC hall na may naibebentang karne ng baboy sa dalawang supermarket sa Congressional at Commonwealth na kontaminado ng ASF
Kaugnay nito, sinabi rin ni Belmonte na hihilingin sa QC Council na gumawa ng batas na magpapatindi ng ngipin sa kampanya ng lokal na pamahalaan kontra ASF at magpapataw ng kaukulang parusa sa mga mahuhulihan ng naibebentang karne na kontaminado ng virus.
Niliwanag din ni Belmonte na contained na ang kaso ng ASF sa QC noon pang Nobyembre at nitong Enero, ang napaulat na karne ng baboy na naibenta sa QC Supermarket ay hindi nagmula sa lungsod kundi sa labas ng QC.
Inanunsyo rin ni Belmonte na batay sa ginawang pakikipag-usap sa mga opisyales at may-ari ng supermarkets ay nagkasundo silang isumite sa lokal na pamahalaan ang mga rekomendasyon at komento na maaaring mapagkunan ng ilang idea sa gagawing executive order hinggil sa kampanya kontra ASF.
Anya, ang pagtatanggal ng mga paninda sa mga tindahan na may virus ang isang malaking parusa sa may-ari ng contaminated na karne dahil dito pa lamang ay malulugi na ang negosyante.
Sa kanyang panig, sinabi ni Stephen Cua, Presidente ng Philippine Amalgamated Supermarket Assn, na binabantayan naman nila ang hanay para maprotektahan ang paninda mula sa ASF.
Iniulat naman ni Belmonte na sa Pebrero ngayong taon ay bawal na sa QC bilang isang urbanized city ang magkaroon ng mga babuyan o backyard hog raisers upang mapangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan.
- Latest