Crackdown sa tiwaling BOC men
MANILA, Philippines — Tinutunton at hinuhuli ng Bureau of Customs ang mga tiwali nitong empleyado na nagsimula sa pagdakip at pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal noong Martes laban sa isang tauhan ng ahensiya na nakatalaga sa Manila International Container Port dahil sa pagtanggap ng suhol.
Lumitaw sa imbestigasyon na tinanggap ni Assistant Customers Operations Officer Cesar Nierva ang kabuuang P7,880 na nakasingit sa mga dokumentong isinampa sa Entry Processing Unit. Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard si Nierva makaraang makumpirma na tumatanggap siya ng perang suhol ng mga broker at processor.
Isinagawa ang operasyon alinsunod sa anti-corruption drive ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na nag-utos kay Deputy Commissioner for Intelligence Group Raniel Ramiro na sugpuin ang mga tiwaling opisyal at empleyado ng BOC.
Noong Miyerkules, dinala si Nierva sa Manila Regional Trial Court para sa inquest proceeding kaugnay ng paglabag niya sa Article 210 ng Revised Penal Code na nagbabawal sa mga empleyado ng pamahalaan na tumanggap ng mga offer, pangako, regalo at iba pa kapalit ng paggampan ng kanyang tungkulin.
- Latest